LTFRB Chair Teofilo Guadiz III
LUNGSOD QUEZON, (PIA)--Muling nagbabala sa publiko ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) laban sa pagtangkilik ng “colorum” na sasakyan upang matiyak ang ligtas na biyahe at tama ang babayarang pasahe.
Ito’y kaugnay din ng atas ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III sa mga regional director ng ahensiya na paigtingin ang mga operasyon laban sa kolorum na sasakyan sa kani-kanilang nasasakupan.
Nabatid mula sa LTFRB Central Office Law Enforcement Unit, mayroong naitalang mga sasakyan na sinasabing illegal na pumapasada o kolorum sa National Capital Region (NCR). Hiwalay pa ditto ang bilang ng mga nahuhuli sa iba pang mga rehiyon sa bansa.
Kabilang ang premium taxi, private motor vehicle (MVs), regular taxi, at tourist transport service (TTS) o UV Express sa mga sasakyang nahuling ilegal na bumibiyahe at may kabuuang mahigit sa P7-milyon na multa.
Samantala, binigyang-diin pa ng LTFRB chairman ang pangangailangan na maging presentable ang mga LTFRB law enforcer habang ipinapatupad nila ang mga batas-trapiko. Tinukoy nito ang ilang law enforcers na nakasuot lamang ng pantalon at rubber shoes habang nasa duty.
Naglabas na ng memorandum o direktiba ang liderato ng LTFRB upang matiyak na magkakaroon na ng uniporme ang mga LTFRB law enforcer sa ibang mga rehiyon.
“The uniform will distinguish them from other law enforcement agencies. It will also give them a sense of honor and pride when they enforce laws against erring operators,” diin ni Guadiz. (ltfrb/pia-ncr)