LEGAZPI CITY, Albay (PIA) - Nagbabala ang Department of Health (DOH) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko laban sa pagkain ng pufferfish matapos naiulat na may dalawang tao ang nalason at namatay dahil sa kinaing “butete” sa Camarines Sur.
Bukod sa dalawang nasawi, may isa pang tao ang nalason ng butete at sa kabutihang palad ay nakaligtas matapos maisugod ito sa Bicol Medical Center sa Naga City.
“Walang gamot sa pagkalason mula sa pagkain ng butete," babala ng Bicol Center for Health Development (Bicol CHD) ng DOH. "Maaari lamang mabigyang lunas ang mga sintomas na dulot nito. Kung hinihinalang ikaw ay nakakaramdam ng anumang sintomas na nasa itaas matapos kumain ng butete, agad na pumunta sa pinakamalapit na ospital.”
Ayon sa World Health Organization, ang butete ay nagdadala ng lasong tetrodotoxin na matatagpuan sa obaryo, atay, bituka, balat, at kalamnan ng isda.
Ang pagkalason mula sa butete ay maaring magdulot ng pagkaparalisa, hirap sa paghinga, at kamatayan kapag ito ay hindi naagapan.
Ayon sa DOH-5, kabilang sa sintomas ng pagkalason ay ang pamamanhid ng labi at bibig, pananakit ng tiyan, at pagsusuka.
Ibinahagi ng Bicol Center for Health Development ng DOH na ayon sa Center for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos ang tetrodotoxin mula sa butete ay maaring makalason sa loob lamang ng 10 minuto hanggang anim na oras matapos kumain ng naturang isda.
Samantala, maaring magdulot ng kamatayan ang pagkalason mula sa isda sa loob lamang ng 20 minuto hanggang 24 oras pagkatapos kumain ng butete. Ngunit kadalasan sa loob lamang ng apat hanggang walong oras ay maaring mamatay ang sinumang nakakain ng butete.
Inililista ng mga science journal ang puffer fish, na kabilang sa pamilya ng tetraodontidae, bilang pangalawang pinaka-nakakalason na vertebrate pagkatapos ng golden poison frog.
Nagbigay paalala din ang BFAR na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta at distribusyon ng butete alinsunod sa Fisheries Administrative Order 249-2014. (PIA5/ ulat ni Maria Alexis C. Ballester, Bicol University)