LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union (PIA) – Inilunsad ng Department of Health-Ilocos Center for Health Development (DOH-CHD-1) ang kanilang “KAHEARTner” campaign dito sa lungsod nitong Lunes bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Heart Month.
Ang paglulunsad ng naturang kampanya na may temang, “Move More, Eat Right!” ay may layong palawakin ang kaalaman ng publiko at hikayatin ang mga ito na suportahan ang adbokasiya ng pamahalaan na nagsusulong ng cardiovascular health and wellness.

Pinangunahan ng Department of Health-Ilocos Center for Health Development ang zumba dance bilang parte ng kanilang KaHEARTner campaign na inilunsad sa lungsod ng San Fernando sa La Union nitong ika-20 ng Pebrero.
“Napakaimportante po ng programang ito kasi rito sa Region 1, number two po ang cardiovascular diseases sa leading causes of death,” ani Dr. Paula Paz Sydiongco, ang regional director ng DOH sa Rehiyon Uno.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na matuto ng kung ano ang mga dapat kainin at ugaliing mag-ehersisyo.
“Para maging healthy po tayo magmaintain po tayo ng weight. We (must) have a regular check-up din sa doctor. Pa-check tayo sa ating mga cholesterol, blood pressure, and (have) a healthy diet,” ani Sydiongco.
Ang KaHEARTner campaign ay nagtampok din ng biking activity, zumba dance, dance contest, cooking demo, at iba pang serbisyong medikal.
Samantala, nagpasalamat si La Union governor Raphaelle Veronica Ortega-David sa pagsisiguro ng DOH sa kalagayan ng kalusugan ng mga residente sa probinsya.
"Thank you for initiating this kind of activity that promotes a healthy lifestyle," ani David. (JCR/AMB/KJCR, PIA La Union)