LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang 2023 Cancer Assistance Fund (CAF) na nagkakahalaga ng P500 milyon sa Department of Health (DOH).
Ang halaga ay bahagi ng komprehensibong paglabas ng pondo ng DBM sa simula ng taon.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ito ay isang pagpapatibay sa pangako ng pamahalaan na palakasin ang mga programang pangkalusugan lalo na para sa kapakanan ng mga Pilipinong dumaranas ng cancer.
"For many years, cancer has been one of the leading causes of death in the country. Sadly, Filipino families, even those in the upper-income brackets, are vulnerable to catastrophic health spending due to high treatment costs and limited coverage of cancer care under public programs. Based on 2019 estimates, around 60 percent of the total public cancer expenditures comes from out-of-pocket payments and private insurance. Naiintindihan kong mabigat ‘yon sa bulsa at balikat ng ating mga kababayan (Sa loob ng maraming taon, ang kanser ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa. Nakalulungkot isipin na ang mga pamilyang Pilipino, kahit na ang mga nakakariwasa ay madaling maapektuhan ng malaking gastos sa pagpapagamot at limitadong saklaw ng pangangalaga sa sakit na kanser sa ilalim ng mga programa ng pamahalaan. Base sa pagtataya sa taong 2019, nasa 60 porsyento ng kabuuang gastos ng may sakit na kanser ay mula sa pambayad na direktang galing sa bulsa ng maysakit at mula sa mga pribadong insurance. Naiintindihan kong mabigat 'yon sa bulsa at balikat ng ating mga kababayan)," ayon kay Pangandaman.
Ang CAF ay naglalayong umakma at madagdagan ang mga umiiral na mekanismo ng suportang pinansyal para sa iba't ibang serbisyo sa pangangalaga at pagkontrol ng kanser na hindi pa saklaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at bahagyang sakop lamang ng Malasakit Program.
"I hope we are able to shine a ray of hope to every Filipino battling the disease—the DBM is behind you and wants to give you a fighting chance (Sana ay makapagbigay tayo ng liwanag at pag-asa sa bawat Pilipinong lumalaban sa sakit—nasa likod mo ang DBM at nais nitong bigyan ka ng pagkakataong lumaban)," dagdag pa ni Pangandaman.
Babayaran ng pondo ang mga serbisyo sa pagkontrol ng kanser sa outpatient at inpatient, kabilang, ngunit hindi limitado sa diagnostics, therapeutic procedure, at iba pang mga gamot pang kanser na kailangan para sa lunasan at pamahalaan ang mga aspetong nauugnay sa pangangalaga nito.
Bilang karagdagan, kasama sa CAF ang pagpopondo sa mga kinakailangang diagnostic at laboratoryo na may kaugnayan sa walong pangunahing uri ng kanser.
Ito ay breast cancer; childhood cancer; gynecologic cancers; kanser sa atay, kabilang ang colorectal at iba pang mga kanser sa digestive tract; adult blood cancers; mga kanser sa ulo at leeg, kabilang ang thyroid; kanser sa baga; at kanser sa prostate, bato, at urinary bladder.
Noong 2022, naglabas ang DBM ng P529.2 milyon para sa CAF, P230.8 milyon dito ay ginamit ng DOH. Ang balanseng P298.4 milyon ay maaari pa ring gamitin hanggang sa katapusan ng 2023.
Ang pagpapatupad ng 2023 CAF ay ibabatay sa mga bagong alituntunin na ilalabas sa lalong madaling panahon ng DBM at ng DOH. (DBM / PIA-NCR)