No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Wheelchairs, saklay para sa mga may kapansanan, senior citizens, ipinamahagi ng AKAY Foundation sa Batangas

BATANGAS CITY (PIA) — Mahigit 600 wheelchairs at mga saklay ang ipinamahagi kamakailan ng AKAY Foundation para sa mga persons with disabilities (PWDs) at senior citizens sa iba’t ibang bahagi ng Batangas.

Ang naturang pamamahagi ay pinangunahan ni dating Laguna Representative Sol Aragones, dating Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu kasama ang mga mayor at iba pang opisyal mula sa ikalawa at ikaapat na distrito ng lalawigan ng Batangas.

Ang mga devices na ipinamahagi ay inaasahang pakikinabangan ng mga PWDs at senior citizens hindi lamang sa bayan ng Bauan kundi maging sa bayan ng Lobo, San Pascual, San Luis, San Juan at Rosario.

Ang Alagang Sol, Alagang Akay Foundation ay isang non-government organization na layong tumulong sa mga may kapansanan sa buong bansa.

Sa mensahe ni Aragones, sinabi nito na hangad ng foundation na makapagbigay ng inspirasyon kasama ang ilan sa mga PWDs na nakilala sa iba’t ibang larangan tulad nina Chef Maricel Pangan, Internet Personality Diego Garcia, Vlogger Jkhreiz Pastrana, at artistang si Dagul Pastrana.

Aniya, hindi na kailangang isipin kung ano ang nawala o wala bagkus ang isipin ay kung ano ang natira.

Tiniyak din nito na ang lahat ng mga PWDs ay hindi dapat mag-alala dahilan sa nakaalalay ang Akay Foundation sa mga katulad nila upang patuloy na itaas ang kanilang antas sa lipunan.

Binigyang-diin pa ni Aragones na bukod sa mga wheelchair at saklay, magkakaroon na din ang kanilang foundation ng proyektong mamamahagi ng artificial arm, legs at hearing aid sa mga susunod na panahon.

Ang mga punumbayan na dumalo dito ay nagpahayag ng abot pasasalamat sa Akay Foundation katuwang ang Alagang Reina ni dating Cong. Abu sa pagkakaroon ng ganitong programa na malaking tulong sa mga kababayan nilang may kapansanan.

Ayon kay Tingloy Vice Mayor Dr. Mikee Alvarez, malaking karangalan sa kanilang bayan na mapabilang sa nabigyan ng tulong ng foundation lalo na at walang kakayahan ang lokal na pamahalaan na magkaloob ng ganitong tulong sa kanilang nasasakupan.

Patuloy ang gagawing pag-ikot ng naturang foundation sa iba’t ibang sulok ng bansa upang magbigay ng tulong sa mga PWDs lalo na sa malalayong lugar. (Bhaby P. De Catro, PIA Batangas)

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch