No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagdiriwang ng Women's Month sa San Jose, itinakda sa Marso 30

Sa Kapihan sa PIA sa isang lokal na himpilan ng radyo sa San Jose, inilahad ni Alice Cajayon, Municipal Social Welfare and Development Officer, na umabot sa 124 kaso ng karahasan at pang-aabuso sa kababaihan ang naitala dito noong 2022. (PIA OccMdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro -- Itinakda ng Pamahalaang Lokal (LGU) ng San Jose sa Marso 30 ang espesyal na pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong taon.

Sa ginanap kamakailan na Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA), ay inilahad ni Alice Cajayon, opisyal ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ang mga isasagawang aktibidad sa nabanggit na petsa. Pangunahin dito ang  pagbibigay ng impormasyon sa iba't ibang grupo ng kababaihan sa Munisipalidad hinggil sa mga usapin na direktang nakaaapekto sa mga ito gaya ng mental health, Violence against Women and their Children (VAWC), at kahandaan sa mga sakuna na posibleng tumama sa kanilang tahanan.

Sinabi ni Cajayon na nitong nakaraang taon ng 2022, may 124 kaso ng mga karahasan sa mga kababaihan ang naitala sa bayan ng San Jose. “Isa sa karaniwang uri ngayon ng pang-aabuso sa kababaihan ay economic abuse kung saan hindi nagbibigay ng sustento o suportang pinansyal ang asawang lalaki kay Juana o kaya ay pati sa mga anak,” saad ni Cajayon. Sa mga ganitong uri ng kaso ay inaanyayahan ng MSWDO ang parehong panig upang magharap at maipaliwanag sa kanila ang mga responsibilidad bilang magulang. Kailangan aniyang ipaunawa sa mga ito na hindi dapat pabayaan ang mga anak upang hindi lumalaking problema ng komunidad.

Ayon pa kay Cajayon, sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, ay napakahalagang talakayin ang VAWC, ang mga batas kaugnay nito, mga pamamaraan kung paano maiiwasan ang pananakit sa mga kababaihan, at mga maaari nilang gawin upang maiwasan na maging biktima ng karahasan.

Samantala, idinagdag naman ni Dr. Lords Mesina, OIC Municipal Health Officer, na sa itinakdang araw ng pagdiriwang ay mamimigay sila ng libreng contraceptive implant na ang bisa ay tumatagal ng tatlong taon. Ipinaliwanag ni Mesina na ito ay nakalaan sa mga kababaihang may asawa na ayaw munang magbuntis muli o nais mag-agwat ng kanilang panganganak. Ang pamamahagi ay isasagawa ng LGU San Jose sa Brgy.Central, San Isidro at San Agustin, mga barangay na natukoy na mataas ang populasyon at bilang ng kababaihan.

Ang tema ng pagdiriwang ng National Women’s Month simula ngayong 2023 hanggang 2028 ay ‘WE for gender equality and inclusive society’. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch