No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DA nagpahayag ng suporta sa 1Bataan Farms

DINALUPIHAN, Bataan (PIA) -- Nagpahayag ng suporta ang Department of Agriculture o DA sa programang 1Bataan Farms na matatagpuan sa bayan ng Dinalupihan.
 
Ito ay matapos ang isinagawang Technology Demonstration on High Value Crops Production Using Drip Irrigation System.
 
Ayon kay DA Agribusiness and Marketing Assistance Service Director Junibert De Sagun, bukas ang ahensya na patuloy na makipag ugnayan sa lokal na pamahalaan upang mapaigting pa ang naturang programa.
 
Pinuri ni De Sagun ang 1Bataan Farms sa paggamit ng Drip Irrigation Technology na nakatutulong upang magkaroon ng mas mataas na ani at malaking kita ang mga magsasaka.
 
Nakakatulong din aniya ito sa ekonomiya ng lalawigan at bansa sapagkat ito ay nakapagtatanim ng mga high value crops tulad ng kamatis, sibuyas, at pepino.
 
Samantala, binigyang diin ni DA Region 3 Regional Technical Director for Operations and Extensions Eduardo Lapuz Jr. ang halaga ng whole-of-nation approach upang makamit ang food security sa rehiyon at sa bansa kung saan makakamit ng mga lokal na magsasaka ang mas mataas na ani at malaking kita.
 
Ipinakita naman ni Bataan 3rd District Representative Maria Angela Garcia ang proof of concept ng nasabing programa kung saan sa tulong ng drip irrigation technology ay kapansin-pansing lumaki ang ani ng mga magsasaka.
 
Nagbahagi rin siya ng konsepto ng “short food supply chain” kumpara sa “traditional agricultural value chain” at ang mga posibleng benepisyo nito sa lipunan, kapaligiran, at ekonomiya kung saan mga magsasaka ang magiging sentro. 
 
Dagdag pa niya, sa pamamagitanng konseptong “short food supply chain” maaaring magkaroon ng pagtutulungan ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang makapagbigay ng government; technology; financing; at insurance support sa mga magsasaka nang sa gayon ay mahikayat din ang mga susunod pang henerasyon na tahakin ang landas ng agrikultura. 
 
Ang 1Bataan Farms ay isang public-private partnership sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Israeli company na Agrilever, kung saan nasa 55 magsasaka na ang nakikinabang. (CLJD/CASB-PIA 3)

Nagsagawa ng Technology Demonstration on High Value Crops Production Using Drip Irrigation System ang 1Bataan Farms sa bayan ng Dinalupihan sa pagbisita ng mga opisyal mula sa Kagawaran ng Agrikultura. (Camille Anne S. Bartolome/PIA 3)

About the Author

Camille Anne Bartolome

Job Order

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch