No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Paglaan ng pondo sa kababaihan sa piitan, isinulong ng Daet District Jail

DAET, Camarines Norte, Marso 23 (PIA) – Isinulong ng Daet District Jail na malaanan ng pondo ng lokal na pamahalaan ang Gender and Development (GAD) activities na makakatulong sa mga kababaihang Persons deprived of liberty (PDL) na nasa naturang piitan.

Sa isinagawang pagtitipon ng LGU Daet, inilatag ng Bureau of Jail Managemenet  and Penology (BJMP) ang mga programa partikular na ng Daet District Jail para sa kapakanan ng mga kababaihan maging mga LGBTQI+ na nasa loob ng piitan. 

Ayon kay JO2 Karen Kaye Acal-Elnar, community relations officer ng BJMP Daet, kabilang sa paglalaanan ng pondo ang computer set na pwedeng gamitin ng mga babaeng PDL para sa E-Dalaw.

Dahil dito, maaaring makausap ng mga PDL ang kanilang kaanak sa pamamagitan ng social media lalo na sa mga hindi nabibisita ng personal ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sinabi ni Elnar, sa dumadaming bilang ng PDL na umabot na sa 770% ang congestion rate at 10 porsyento dito ay mga kababaihan na kinakailangan na ang ilang mga kagamitan upang lubos na maibigay ang mga basic necessities na nakalaan para sa kanila.

Naisangguni rin ang paglalagay ng dibisyon upang maging dalawa ang visitor’s area, pagkakaroon ng hiwalay na palikuran, breastfeeding o lactation area, livelihood program at iba pa.

Nabigyang pansin rin na malaanan ng pondo ang pagpapaigting ng Information and Education Campaigns (IEC) ukol sa mga karapatan ng mga kababaihan at pag-iwas sa iligal na droga bilang suporta sa Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program.

Ang kahalagahan ng pagkakaroon ng generator sa piitan ay inilapit rin sa lokal na pamahalaan.

Umaasa naman ang Daet District Jail na maaprubahan ang mga planong ito para sa tuloy-tuloy na implementasyon ng programa para sa GAD sa piitan para sa taong 2024.  (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng Daet District Jail)

About the Author

Reyjun Villamonte

Job Order

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch