No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Singaw na tangke ng LPG karaniwang dahilan ng mga sunog

ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Ilang insidente ng sunog sa bansa ang naitala ng Bureau of Fire Protection na ang sinisising dahilan ay ang pagsingaw ng mga tangke ng Liquefied Petroleum Gas o LPG.

Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Marso 22, sinabi ni FO3 Camelo Galicia, Hepe ng Fire Safety Enforcement Section ng Odiongan Fire Station na may mga tips na dapat tandaan kung sakaling makaamoy ng singaw ng LPG sa loob ng bahay.

Ayon kay FO3 Galicia, una umanong kailangang gawin kung may naamoy na singaw ay huwag magbubukas ng mga appliances o huwag mag bubukas ng ilaw dahil posibleng magkaroon ito ng spark na maging dahilan ng pagsabog o sunog.

"Kasi sa switch po, baka-mag trigger siya at mag-spark at magkaroon ng pagsabog," ayon kay Galicia.

Sunod na dapat gawin ay dahan-dahang buksan ang mga bintana at pinto para lumabas ang singaw.

Pangatlo ay patayin ang regulator ng tangke ng LPG at ilabas ito sa bahay hanggang sa mawala ang amoy.

Pagsisiguro ni FO3 Galicia, hindi sasabog ang mga LPG tanks na may Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) mark dahil ito umano ay siguradong dumaan sa testing at certification ng Department of Trade and Industry (DTI).

Payo ni FO3 Galicia, hangga't maaari umano ay nasa labas ang mga tangke ng LPG para masigurado na walang mangyayaring mga ganitong aksidente.

"Mas maganda rin po siguro na 'yung mga tangke ng ating LPG ay naka-install na sa labas, at 'yung hose nalang ang gawan ng paraan para maipasok sa bahay," pahayag ni FO3 Galicia.

Kung sakaling may problema umano sa mga LPG, maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa kanilang distributor ng LPG o hindi kaya ay tumawag sa pinakamalapit na Fire Station para mabigyan ng tugon ang problema.

Isa umano ito sa mga paraan para makaiwas ang publiko sa sunog lalo pa ngayong inoobserba ng bansa ang Fire Prevention Month na may temang: "Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa". (PJF/PIA Mimaropa)

About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch