No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga benepisyaryo ng DSWD SLP, kumita ng Php100K sa isinagawang one-day trade fair

Tampok sa one-day trade fair ng DSWD ang iba'g-ibang produktong ipinagmamalaki ng mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng naturang ahensiya. Sa pamamagitan nito ay higit na makikilala ang mga produktong gawa ng mga benepisyaryo na siya namang magiging dagdag pagkakakitaan ng mga ito. (Photo by DSWD MIMAROPA)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Kumita ng Php 108,690.00 ang mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sustainable Livelihood Program (SLP) mula sa rehiyon ng MIMAROPA sa isinagawang one-day trade fair ng naturang ahensiya bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-72 taon na pagkakatatag ng DSWD.

Tampok sa naturang gawain ang mga produktong gawa ng mga benepisyaryo ng naturang programa mula sa rehiyon na ibinida sa mga one-day trade fairs sa mga petsang Marso 17, 22, 23, at 28.

Bukod sa layunin na makabenta, binibigyang pagkakataon din ng gawain ang mga benepisyaryo na higit pang mapalawig ang kanilang kakayahan na makapagbenta sa iba’t-ibang lugar sa pamamagitan ng naaangkop na exposure sa mga stakeholders at entrepreneurs. Ilan lamang sa mga itinampok na produkto sa naturang gawain ay ang mga processed food, handicrafts, native delicacies, mga malikhain produkto at mga produktong agrikultural.

Labis naman ang naging pasasalamat ni DSWD Mimaropa OIC-Regional Director for Operations Sheila S. Tapia sa mga benepisyaryong lumahok sa gawain, gayundin sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan na tumulong upang maging matagumpay ang one-day trade fair. Hiling din ni Tapia na sana ay magamit ang kinitang pera sa higit na pagpapalago ng mga napiling negosyo ng mga SLP beneficiaries.

Bukod sa one-day trade fair, iba’t-ibang aktibidad ang isinagawa upang higit na bigyang kulay ang pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensiya. Ilan lamang sa mga ito ay ang isinagawang job fair, information drive upang higit na malaman ng mga mamamayan ang iba pang mga proyekto at programa ng naturang ahensiya. Pinarangalan din sa naturang gawain ang mga kawani ng ahensiya na may katangi-tanging ambag sa pagiging matagumpay ng mga inilalapat na mga programa at proyekto sa mga mamamayan. (JJGS/PIA MIMAROPA)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch