BATANGAS CITY (PIA) — Patuloy ang Social Security System (SSS) Batangas Branch sa pagpapatupad nito ng Run After Contribution Evaders (RACE) campaign upang matulungan ang mga delinquent employers na mabayaran ang kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Kamakailan ay ikinasa ng SSS ang RACE campaign sa bayan ng San Pascual kung saan nasa pitong establisimyento ang binisita ng ahensiya at binigyan ng notice of payment at pinaalalahanan upang tapusin ang kanilang obligasyon sa naturang ahensya.
Ayon kay Joseph Bentley Britannico, officer-in-charge ng South Luzon 2 Division at kasalukuyang SSS Lipa Branch Head, makailang ulit silang nagpapaalala sa mga employers ng kanilang obligasyon.
Dagdag pa ni Britannico, bumibisita din sa mga establisimyento ang mga kawani ng ahensya bago sila magsagawa ng RACE campaign.
Kabilang sa mga establisimyento na binisita ng SSS ang isang spa, water refilling station, paint center, furniture factory, auto repair shop, at merchandise/trading business.
Ito ang pinakaunang RACE Campaign na inilunsad ng tanggapan sa taong 2023 at may ilang mga bayan at lungsod pa ang nakatakdang bisitahin sa susunod na mga buwan.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Mayor Antonio Dimayuga sa SSS RACE campaign upang masawata ang mga employers na lumalabag sa batas at hindi nagbibigay ng karampatang benepisyo para sa kanilang mga empleyado.
Nagkaroon din ng SSS Mobile center na ginanap sa Municipal Gymnasium ng naturang bayan kung saan maaaring mag-apply ng kanilang SSS o kaya ay kumuha o mag-update ng kanilang membership status. (Bhaby P. De Castro, PIA Batangas)