CALAMBA CITY, Laguna (PIA) – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa inaasahang epekto ng tag-init sa kalusugan gaya ng heat stroke, cholera, typhoid fever kasama na ang dengue at ilan pang iritasyon sa balat.
Ayon sa DOH, sintomas ng heat stroke ang pagkakaroon ng lagnat na sobra sa 40°C; pamumula, panginginit, at panunuyo ng balat; kulang o sobrang pagpapawis; sakit ng ulo; pagkahilo at pagsuka; pagduduwal; at pangangalay o pamumulikat.
Payo ng DOH na maaaring maagapan ang mga sintomas at epekto ng heat stroke sa pamamagitan ng paglipat sa pasyente sa malamig o makulimlim na lugar, tanggalin ang mga damit na dumadagdag sa init ng katawan, maglagay ng cold compress sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, o ibabad ang katawan sa malamig na tubig.
Nagbigay rin ng babala ang kagawaran sa pagkain ng mga isda at lamang dagat na apektado ng red tide na maaaring magdulot ng hika, pagsusuka, at pagkalason.
Upang makaiwas sa sakit, payo ng DOH na siguraduhing malinis ang pinagkukunan ng supply ng tubig, uminom ng sapat na dami ng tubig upang manatiling hydrated, magsuot ng mga damit na manipis o may komportableng tela, at iwasang magbilad sa araw o kung kinakailangan lumabas ay panatilihing gumamit ng sunscreen o sunblock.
Maaaring mapalawig ang nararanasang init ng panahon hanggang Setyembre 2023 dahil sa pagpasok ng El Niño sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA. (CH/PIA-Laguna; may ulat mula DOH-CHD CALABARZON)