No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

NTC Region 1 muling hinikayat ang publiko na magparehistro ng SIM

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Muling hinihikayat ng National Telecommunications Commission (NTC) Region 1 ang publiko na magparehistro ng kanilang SIM cards matapos palawigin sa siyamnapung araw ng pamahalaan ng ang deadline ng pagpaparehistro.


Ayon kay Atty. Ana Minelle Maningding, legal officer ng NTC Region 1, ang pagpapalawig ng deadline ng SIM registration ay ipapatupad upang bigyang daan ang mga hindi pa nakapagparehistro ng kanilang mga SIM na karamihan umano ay walang maipresentang valid government ID.


“Ang nakitang dahilan sa pagpapalawig ng deadline ay dahil marami sa ating mga kababayan ang walang valid government issued ID. Iyon ang ikinonsidera para naman magkaroon naman ng ample time ang ating kababayan para makapag-secure ng kanilang government issued ID,” ani Maningding.


Base sa datos ng NTC Region 1, nasa 87,442,982 o katumbas ng 52.04 percent pa lamang ang bilang ng mga SIM cards sa Ilocos Region ang nakarehistro na hanggang nitong Abril 24.


Saad pa ni Maningding na sa mga nakaraang araw bago ang huling araw ng orihinal na deadline, umaabot sa isang milyon hanggang 1.5 milyon ang  nadadagdag sa mga nakarehistrong SIM cards kada araw na nagreresulta sa pagbagal ng system.


“Syempre, isa  lang po  ang  link natin bawat telco at marami po ang  gusto magregister. Kaya napansin  po natin ‘yong pagla-lag po  ng links natin and perhaps ‘yan nga po ‘yong dahilan ng  traffic po dahil sa dami ng mga  registrants,” dagdag niya.


Samantala upang mas marami pa ang makapagparehistro, nagsagawa ang NTC Region 1 ng nasa 40 facilitated SIM registrations sa iba’t ibang bayan sa Rehiyon Uno na may kaunting cell sites upang magbigay ng tulong sa mga nahihirapang magparehistro.


“Kabuuan nasa 13,000 plus po ang natulungan natin sa  ating mga NTC  facilitated SIM registration sa Region 1. Mostly ang mga senior citizens ang mga pumupunta saka ‘yong mga may-ari ng mga  phones na di-keypad,” ani Maningding.


“Sa lahat po ng hindi pa nakapag-register, good news po sa atin ang 90 days extension. Beware na lang po kung magpapa-assist kayo, sa mga pinagkakatiwalaan na lang po natin,” paalala ni Maningding.


Muli namang nagpaalala ang NTC sa publiko na libre ang pagpaparehistro ng SIM at huwag na umano nilang hintayin muli ang huling araw ng SIM registration. (JCR/MJTAB/EMSA/MJA/PIA Pangasinan)

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch