BATANGAS CITY (PIA) — Mas pinaigting pa ng Social Security System (SSS) ang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign nito sa probinsiya ng Batangas kung saan dalawang magkahiwalay na kampanya ang isinagawa sa mga lungsod ng Tanauan at Calaca para paalalahanan ang mga establisimyento ng kanilang obligasyon.
Sa pangunguna ni SSS Lemery Branch Head Jessica Agbay, may walong business establishments sa magkakaibang lugar sa lungsod ng Calaca ang kanilang binisita kabilang ang trading and services, private school, refilling station, manpower supply and services, junkshop,supplies, wellness at logistics and trading.
Kasama ng RACE Team ang Legal Department ng SSS South Luzon 2 Division sa pangunguna ni Atty. Mark Villanueva na nagbigay ng notice letter sa mga establisimyentong binisita nila.
Matapos matanggap ang notice mula sa SSS, may 15 araw na itinakda upang makipag-ugnayan ang mga establisimyento na ito at bayaran ang kanilang kakulangan o makipag-usap sa paraan ng pagbabayad na kanilang gagawin.
Sa huli nagpaalala si Agbay na dapat maging maingat ang mga employers sa anumang transaksyon na gagawin nila at ideklara lamang ang tama at sapat na bilang ng mga kawani at halaga ng kanilang dapat maging kontribusyon upang mapangalagaan hindi lamang ang mga empleyado kundi maging ang kredibilidad ng kanilang kumpanya. (BPDC, PIA Batangas)