No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Libreng Theoretical Driving Course isinagawa ng LTO sa Boac

BOAC, Marinduque (PIA) -- Aabot sa 120 na indibidwal ang dumalo sa libreng Outreach Theoretical Driving Course (TDC) sa Barangay Puting Buhangin, Boac na pinangunahan ng Land Transportation Office (LTO) katuwang ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Marinduque.

Layunin ng programa na mailapit ang mga serbisyo ng LTO sa mga mamamayan lalo't higit ang nasa malalayong komunidad. Hangad din ng ahensya na isulong ang mas ligtas at maayos na mga kalsada para sa lahat.

Ayon kay SP Member Aurelio Leva III, na s'yang nag-organisa ng gawain, malaking tulong para sa mga kalahok ang ganitong inisyatiba sapagkat bukod sa magkakaroon ng lisensya sa pagmamaneho ang mga makapapasa, mababawasan din ang kanilang gastusin dahil hindi na kinakailangang magtungo sa tanggapan ng LTO-Boac para kumuha ng TDC orientation.

"Sa mga benepisyaryong barangay na mismo gagawin ng mga kawani ng LTO ang oryentasyon tungkol sa Theoretical Driving Course, sa ganitong paraan ay makatitipid sila ng nasa P2,500 sapagkat libre ito para sa kanila, may pameryenda rin na sponsor si Vice Gov. Adeline Angeles," pahayag ni Leva.

Ipinaabot naman ni LTO-Mimaropa Acting Regional Director Manuel Betaizar, sa pamamagitan ni LTO-Boac head Leonard Gabuna, na ang nasabing aktibidad ay handog pasasalamat ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Assistant Secretary Jose Arturo Tugade para sa mga mamamayan, kung saan ay inilunsad kamakailan ang proyektong "SAFERoads: Sa Kalsadang Ligtas, Happy ang Lahat." (RAMJR/AMKDA/PIA-Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch