No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PHilMech, iniulat ang mga gampanin sa pagdiriwang ng ika-45 anibersaryo

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ (PIA) -- Iniulat ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) ang mga naging gampanin sa pagdiriwang ng ika-45 taong pagkakatatag.
 
Sa kaniyang mensahe ay ibinahagi ni PHilMech Director Dionisio Alvindia ang mga napagtagumpayang programa at inisyatibo ng ahensiya simula ng ito ay maitatag na may layuning mapaunlad ang pagsasaka sa pamamagitan ng mekanisasyon. 
 
Kabilang na rito ang iba’t ibang teknolohiya at mga pamamaraang nailunsad ng kagawarang kilala dati bilang National Postharvest Institute for Research and Extension na nakatutok sa produksiyon ng palay at mais tulad ang pagbuo ng milling machine, drying at storage technology na ngayon ay malawakang ginagamit sa industriya. 
 
Sa ikalawang dekada ng ahensiya ay kinilala na ito bilang Bureau of Postharvest Research and Extension na may bahagi sa pagsusulong ng Grains Production Enhancement Program kasama na ang pagpapakilala ng mobile flash dryer upang mabawasan ang mga nasasayang na ani sa pagsasaka.  
 
Gayundin ang pamamahagi ng Multi-Purpose Drying Pavement bilang hakbang ng pamahalaan noon upang magkaroon ng pasilidad ang mga magsasaka sa pagpapatuyo ng palay at maiwasan ang pagbibilad ng mga ani sa kalsada. 
 
Bukod pa ang mga ipinamahaging SHEGA Moisture Meter sa isanlibong benepisyaryo sa buong bansa sa ilalim ng programang Agrikulturang Makamasa Program.
 
Pagtungtong sa ikatlong dekada ng ahensiya ay kanilang tinutukan ang Corn Mechanization Program pati na ang pagpapakilala ng Multi-Commodity Solar Tunnel Dryer at Agricultural Tramline System na nakapagpadali sa pagbiyahe ng mga aning produkto mula sa mga malalayo o matataas na lugar.  
 
Pahayag ni Alvindia, sa humigit apat na dekada ng PHilMech ay napakarami na at patuloy pa ang pagdiskubre at pagsusulong ng mga makabagong teknolohiya na kailangan sa pagsasaka. 
 
Nariyan aniya ang mga drying technologies tulad ng multi-fuel biomass furnace, fluidized bed dryer, grain probe moisture meter, coffee moisture meter, greenhouse solar tunnel dryer at cassava belt dryer bukod pa ang mga production at post-production technologies tulad ng cassava digger at multi-row onion seeder.
 
Napakikinabangan din ang mga processing technology system na ginawa ng tanggapan para sa iba’t ibang produkto tulad ng abacca, soybean, coffee, cashew at cacao.
 
Para naman sa mga agricultural waste at by-product utilization ay nariyan ang coconut water processing technology, mango pectins, cacao briquetting machines, sugarcane waste silage at pelleted feeds. 
 
Simula 2019 ay pinangangasiwaan naman ng PHilMech ang Mechanization Program sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund na sa kasalukuyan ay nakapagpamahagi na ng humigit kumulang 24,000 makinarya sa 8,600 mga kwalipikadong kooperatiba at mga lokal na pamahalaan. 
 
Ang ahensiya rin ang inatasang manguna sa pamamahagi ng Shared Processing Facility bilang bahagi ng Coconut Farmers and Industry Development Plan na may taunang badyet na 500 milyong piso na layuning tumugon upang mapaunlad ang kabuhayan ng nasa 2.5 milyong magsasaka ng niyog sa buong bansa. 
 
Samantala noong nakaraang taon lamang ay inilunsad ng ahensiya ang Youth for Mechanization na hangad mapaangat ang interes ng mga kabataan sa pagsasaka sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga bagong pamamaraan at kagamitan na may malaking tulong sa agrikultura. 
 
Ibinalita rin ni Alvindia na malapit nang matapos ang ipinatatayong Agricultural Machinery and Prototyping Center sa pakikipagtulungan sa Korea Agricultural Machinery Industry Cooperative, Korea International Cooperation Agency at iba pang tanggapan, na maglalaman ng mga pasilidad sa paggawa ng mga sariling makinaryang pansaka sa bansa. 
 
Sa pagdiriwang ng ika-45 anibersaryo ng ahensiya ay hindi naman nalimot na pasalamatan at kilalanin ang mahahalagang ambag at dedikasyon ng mga nagdaang pinuno hanggang sa mga kasalukuyang kawani ng PHilMech na patuloy sa pagsusulong ng pagbabago para sa magandang kinabukasan ng sektor ng agrikultura sa bansa. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ipinagdiwang ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization ang ika-45 taong pagkakatatag sa pamamagitan ng paglalahad ng maraming gampanin at mga napagtagumpayang proyektong nakasentro sa pagtulong sa mga kababayang magsasaka. (PHilMech)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch