ROSALES, Pangasinan (PIA) – Inanunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC)-Regional Office I ang pagsasagawa ng dalawang araw na pagsusulit para sa mga nagnanais na maging radiologic and X-ray technologists na gaganapin sa darating na Hunyo 6-7, 2023.
Ayon kay PRC Ilocos regional director Arly Sacay-Sabelo, mayroong 38 na examinees ang kukuha ng pagsusulit na isasagawa sa PRC-Regional Office I Testing Rooms sa bayan ng Rosales, Pangasinan.
Sa panahon ng eksaminasyon, inaatasan ang mga examinees na dalhin ang kanilang Notice of Admission (NOA), mga lapis (No. 2), ball pen (itim na tinta lamang), isang pirasong mahabang brown na sobre, isang pirasong mahabang transparent (hindi kulay) na plastik na sobre (para sa pag-iingat ng mga mahahalagang bagay at iba pang mga pinahihintulutang bagay), ang nararapat na natapos na health forms, vaccination card, snacks, tanghalian, at tubig.
Mahigpit na pinapayuhan ang mga examinees na basahin ang espesyal na panuto at advisory sa kanilang NOA, bisitahin at tingnan ang kanilang room assignment sa opisyal na website ng PRC: www.prc.gov.ph nang hindi bababa sa tatlo hanggang limang araw bago ang nakatakdang pagsusulit at i-download ang programa ng eksaminasyon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa PRC sa ro1.examination@prc.gov.ph. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)