LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan kanilang Mobility Office ang mga Taguigeño na makilahok sa isasagawang Community Bike Ride sa gaganapin sa Sabado, Hunyo 10.
Isasagawa ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Bicycle Day noong Hunyo 3 at World Environment Day 2023 noong Hunyo 5.
Itinatag ang Mobility Office ng Taguig upang magsagawa ng pag-aaral at magbigay ng rekomendasyon ukol sa maginhawa at mabilis na biyahe ng mga motorista, ligtas na mga kalsada, at sustainable na pamamaraan ng transportasyon.
Samantala, ibinahagi naman ni Mobility Office Officer-in-Charge William Mariano ang mga accomplishments ng kanilang tanggapan.
Kabilang dito ang pagtatakda ng Mobility Office Bike Patrol, pagsisiguro na ligtas ang roads at walk paths, at pagtatalaga ng 60 kilometers na bike lane network sa lungsod.
Binanggit din niya ang iba pang mga kasalukuyan at paparating na inisyatibo ng tanggapan para sa kapakanan ng mamamayan.
Ilan dito ang Walkability Study sa Brgy. Pinagsama at Brgy. Western Bicutan na tutukoy sa mga kinakailangang pedestrian structures; pati ang Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) accessibility audit na susuri naman kung paano magiging mas accessible sa persons with disability ang mga pampublikong lugar at espasyo tulad ng City Hall, mga opisina at mga park.
Nagpasalamat naman si Mayor Lani Cayetano sa sigasig na ipinakita ng kanila Mobility Office dahil sa ginagawa nitong research at pagbibigay ng rekomendasyon upang higit na mapabuti ang pagsasagawa ng mga proyekto ng Pamahalaang Lungsod. (taguig pio/ pia-ncr)