No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagbabawal ng ‘single use plastic’ binigyang-diin sa World Environment Day sa Puerto Princesa

Binigyang-diin ni City Environment and Natural Resources Officer Atty. Carlo B. Gomez sa pagdiriwang ng World Environment Day 2023 ang mahigpit na pagbabawal ng ‘single use plastic' dahil sa negatibong epekto nito sa kapaligiran. (Mga larawan mula sa CIO-Puerto Princesa)

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Sa pagdiriwang ng World Environment Day 2023 nitong Hunyo 5, 2023 sa Atrium ng New Green City Hall, binigyang-diin ni City Environment and Natural Resources Officer Atty. Carlo B. Gomez ang mahigpit na pagbabawal ng ‘single use plastic' dahil sa negatibong epekto nito sa kapaligiran.

Ayon kay Gomez, dapat patuloy na sanayin ng lahat ng mamamayan ng lungsod ang hindi paggamit nito maging ng mga 'plastic bottle'.

Hinihikayat din ng City ENRO ang komunidad na linisin ang kani-kanilang bakuran at huwag gumamit ng single use plastic.

Sinang-ayunan naman ito ni Mayor Lucilo R. Bayron kaya sinabi niya na ipagbabawal na rin ang single use plastic para gamitin kapag mayroong bumibisita o may mga aktibidad sa kaniyang tanggapan.

Ayon sa Alkalde, ang unang naapektuhan ng plastic pollution ay ang Puerto Princesa Bay na aniya ay hindi na kayang labanan pa kung ang pamahalaang lungsod lamang ang kikilos kung kaya’t nananawagan ito na dapat ay sama-sama ang bawat miyembro ng komunidad sa pag-aksyon dito at simulan sa malilit na hakbang tulad na lamang ng hindi paggamit ng mga single use plastic.

Patuloy naman ang implementasyon ng lungsod ng City Ordinance No. 993 o ang ‘Single-Use-Plastic and Styrofoam Regulation of 2019.’ Sinimulang ipatupad noon pang Abril 17, 2020 kung saan ilan sa mga plastics na ipinagbabawal gamitin ay ang plastic bags, plastic utensils, plastic disposable cups, plastic coffee stirrers at plastic straw.

Ang World Environment Day ay ipinagdiriwang sa buong mundo sa pangunguna ng United Nations sa pamamamagitan ng hashtag na #BeatPlasticPollution. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch