No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DENR, nagsagawa ng People’s Caravan sa NVizcaya

Nagbigay ng mga Free Patent Titles ang DENR sa mga mamamayan ng Nueva Vizcaya bilang bahagi ng kanilang Caravan at People's Day sa bayan ng Bayombong. PIA Photo

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Nagsagawa ng People’s Caravan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lalawigan upang mailapit ang programa, adbokasya at serbisyo nito sa mga mamamayan.

Ayon kay Engineer Giovannie Magat, Provincial Environment and Natural Resources officer, layunin din ng isinagawa nilang People’s Caravan sa Nueva Vizcaya State University Gymnasium na may temang “Whole of Society for Climate Change Resiliency” na mailunsad ang kanilang mga kampanya, adbokasya at bagong programa para sa mga Novo Vizcayanos.

Ayon kay PENRO Magat, tampok sa nasabing People’s Caravan ang ‘Handog Serbisyo’  ng ahensiya para sa mga mamamayan, ‘Handog Titulo’ Program kung saan 141 na Free Patent Titles at sketch plans ang naibigay sa mga kwalipikadong mamamayan, pagbibigay ng libreng tree seedlings at information drive sa mga bagong kautusan at directives ni DENR Secretary Antonia Loyzaga Yulo at ang kanilang E-Frontline Services hinggil sa Lands Management.

Inilunsad din sa nasabing People’s Caravan ang Rufous Hornbill Mascot bilang bahagi ng kanilang kampanya upang pigilan ang pangangaso sa nasabing uri ng ibon na nanganganib nang mawala sa Casecnan Protected Landscape, isa sa mga  Protected Areas sa kabundukan ng Nueva Vizcaya.

Ayon kay PENRO Magat, layunin ng Rufous Hornbill Conservation Program na pigilan ang paghuli nito upang mapangalagaan ang ecosystem ng Casecnan Protected Landscape.

Dagdag pa ni PENRO Magat na layunin din ng People’s Caravan na himukin ang mga iba’t-ibang sector ng lipunan na suportahan ang mga programa at kampanya ng DENR upang mapanatili ang kasaganaan at kabuhayan ng kalikasan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya na tinaguriang Watershed Haven, Food Basket at sentro ng Indigenous People’s Culture ng Cagayan Valley. (OTB/BME/PIA NVizcaya)

About the Author

Benjamin Moses Ebreo

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch