
Tumanggap ng tulong mula sa Local Social Pension Ordinance ng LGU Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang 879 na elderlies ng bayan. (Photo mula sa FB page ni Mayor T. Cayton)
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Gumulong muli ang tulong pinansiyal para sa mga senior citizens sa bayan ng Dupax del Norte.
Sa pamamagitan ng Local Universal Social Pension Ordinance ng LGU, 879 na senior citizens ng bayan ang nabigyan ng tulong pinansiyal para sa first at second quarter ng taong kasalukuyan.
“Ang mga nabigyan naming ng Local Social Pension assistance ay mga senior citizens na diskwalipikado sa parehas na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD),” pahayag ni Mayor Timothy Joseph Cayton.
Ayon sa kanya, sakop din ng Local Social Pension assistance ang mga matatanda na may tinatanggap na benepisyo mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Veterans Administration Office (PVAO), at iba pa.
Dagdag ni Cayton na ang nasabing Local Social Pension ay benepisyo para sa mga elderlies ng bayan upang matulungan silang tustusan ng tama at maayos ang kanilang mga pangangailangan bilang isa sa mga sector ng lipunan ng bayan. (BME/PIA NVizcaya)