(Tagalog translation)
Benguet PHO, muling nagpaalala kasabay ng paglobo ng kaso ng dengue sa lalawigan
BAGUIO CITY (PIA) -- Muling nagpaalala ang Benguet Provincial Health Office (PHO) para sa pagsunod ng mga residente sa 5S laban sa dengue o ang "Search and destroy mosquito breeding sites;Self-protection; Seek early consultation; Support fogging, spraying and misting in hot spot areas, and Sustain hydration."
Sa Usapang PIA radio program with Kap Peter Wasing nitong Huwebes (June 22), binigyang-diin ni Benguet PHO Health Education and Promotion Officer Patrick Depolio na kailangan ang kooperasyon ng lahat upang maiwasan o mapigilan ang pagdami ng lamok na nagdadala ng dengue.
"Hinihingi natin ang kooperasyon ng mga kababayan natin, magtiyaga tayo na maglinis, linisan natin ang mga maaaring pangitlogan ng lamok partikular na itong Aedes Aegypti na gustong mamalagi sa malinis at stagnant na tubig," panawagan ni Depolio.
Aniya, maging ang takip ng mga soft drinks o mga tanzan na may laman na malinis na tubig ay maaaring pangitlogan ng mga lamok batay sa larval surveillance na isinagawa ng kanilang mga kasama.
Sinabi nito na aabot sa 617 ang kaso ng dengue na naitala sa kabuuan ng probinsiya mula January hanggang June 17, 2023, mataas ng 12% kung ikukumpara sa 549 na kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Mula sa nasabing bilang, isa ang nasawi. Naitala ang pinakamataas na kaso sa La Trinidad (147) na sinundan ng Itogon (104) at Tuba (61).
Bukod dito ay naitala rin ang clustering of cases sa 19 na barangay sa lalawigan sa nakaraang apat na linggo. Paliwanag nito, nagkakaroon ng clustering of cases "kung sa loob ng isang buwan ay naitala ang mahigit sa tatlong kaso ng dengue sa isang lugar."
Inihayag ni Depolio na kadalasang nakakaramdam ng lagnat ang mga kinakapitan ng dengue. Pagkatapos ng lagnat, lumalabas na ang ibang sintomas gaya ng panghihina ng katawan, pananakit ng tiyan, pagdurugo ng ilong, pagkahilo, pagsusuka, may dugo sa dumi, nahihirapang huminga, at makikita ang mga rashes.
Pinapayuhan nito ang mga makakaramdam ng sintomas ng dengue na agad magpakonsulta sa doktor upang maagapan at hindi lumala ang kanilang sitwasyon o hindi ito magresulta sa severe dengue. (DEG-PIA CAR)