LASAM, Cagayan (PIA) - - Hindi nasasayang ang mga basurang plastic wrapper sa bayan ng Lasam sa lalawigang ito dahil imbes na itapon, nililinisan ito ng mga residente at ipinapalit ng bigas sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO).
Ito ay isa sa programang pangkalikasan ng Lokal na Pamahalaan ng Lasam sa pangunguna ni Mayor Dante Dexter A. Agatep, Jr na humihikayat sa bawat Lasameñong maging responsable sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa programang ito ng MENRO, papalitan ng tatlong kilong bigas ang bawat isang kilong malinis na plastic.
Isa sa mga nakatanggap ng bigas kamakailan ay si Reymark Andres, 11 anyos ng Barangay Battalan.
Aniya, pinagtiyagaan ni Andres na linisin ang mga napulot at naipon nitong plastic wrapper para mapalitan ng bigas.
Maliban kay Andres ay idinala rin ng mga magkakaibigang senior citizen na sina Pacita Oro, Jessa Navarro, at Nida Valasquez na pawang mula sa Nabannagan East ang kanilang naipong plastic wrappers.
Hinimok naman ni Mayor Agatep ang mga kababayan nito na suportahan ang programang ‘Ayuda Sa Basura’ at iba pang programang pangkalikasan ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kalinisan sa bayan ng Lasam at maprotektahan ang kalikasan. (OTB/MDCT/PIA Cagayan)