No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

BSP North Luzon, muling nagpaalala na maaaring gamitin ang mga natuping polymer banknotes

Nabigay ng paglilinaw si BSP North Luzon Regional Office Bank Officer II Cherry Pongco ukol sa paggamit ng polymer banknote, sa Usapang PIA with Kap. Peter Wasing nitong Hulyo 6, 2023. (PIA-CAR)

BAGUIO CITY (PIA) -- Muling binigyang-diin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaari pa ring tanggapin ang mga polymer banknotes kahit natupi o nayupi.
 
Ayon kay BSP North Luzon Regional Office Bank Officer II Cherry Pongco, naglabas na ng advisory ang BSP na "kahit natupi ng isa, dalawa, tatlo o natupi nang ilang beses, maaari pa ring gamitin at hindi nawawala ang halaga ng polymer banknotes natin".
 
Kapag may mga tumangging tumanggap ng natuping polymer banknote ay maaari aniya na ipakita ang mga inilabas na advisory ng BSP sa kanilang social media sites.

Dahil walang batas na nagpapataw ng parusa sa mga ayaw tumanggap ng natuping polymer banknote, inihayag ni Pongco na inigtingan nila ang kanilang public information campaign upang maipaalam sa publiko na hindi totoo na nawawalan ng halaga ang mga natuping polymer banknotes.
 
Nagsasagawa rin aniya sila ng isang linggong information caravan sa mga lalawigan kung saan, bukod sa mga adbokasiya ng BSP ay tinatalakay din nila ang tungkol sa 1000-piso polymer banknote.
 
Aktibo rin sila sa iba't ibang social media platforms upang malabanan ang anumang misinformation.
 
"Hindi po totoo na kapag ito ay natupi or nalukot ay mawawalan ito ng halaga. Gusto ng Bangko Sentral ng Pilipinas na gamitin natin ito para po makita natin kung angkop ito sa ating bansa, 'yung paggamit ng polymer banknote," muling iginiit ni Pongco.
 
Ang polymer banknote ay gawa sa polymer substrate o plastic material at may bagong desinyo na mahirap mapeke. Sa ngayon ay limitado pa rin ang 1000-piso polymer banknote na nasa sirkulasyon. Nasa 10 million na piraso ng 1000-piso polymer banknote ang opisyal na inilabas ng BSP noong Abril 2022. (DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch