No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Save the Puerto Princesa City Bays’ Program, inilunsad

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Inilunsad ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang programang ‘Save the Puerto Princesa City Bays’ noong Hulyo 15, 2023.

Pinangunahan ito ni Mayor Lucilo R. Bayron katuwang ang mga pribadong sektor tulad ng Puerto Princesa Water Reclamation and Learning Center, Inc., Puerto Princesa Chamber of Commerce and Industry, Palawan Artists Collective, Project Zacchaeus Eko-kolek at iba pa. Layunin ng programang ito na mabawasan ang polusyon sa tubig at upang mapanumbalik ang kalinisan ng baybayin ng lungsod.

Ilan sa mga naging aktibidad dito ay ang tree planting sa bahagi ng City Baywalk kung saan 39 na punong kahoy ang itinanim ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlungsod at mga ahensiya ng gobyerno.

Naghagis din ng mudballs sa baybayin ng Barangay Mandaragat at City Baywalk, kung saan ang mudballs ay mayroong Effective Micro-organisms (EM) na naglalaman ng bacteria na kumokontrol sa lebel ng ammonia at duming taglay ng tubig.

Ang paligsahang 'scoop basura' na nilahukan ng mga uniformed personnel at mga ahensiya ng pamahalaan ay binubuo ng 10 miyembro bawat grupo kung saan ay binigyan ang mga ito ng dalawang oras para kolektahin at sisirin ang mga basurang nasa ilalim ng karagatang nakapaligid sa Puerto Princesa Baywalk.

Isa ang paghahagis ng mudballs sa Baywalk area sa mga aktibidad sa paglulunsad ng 'Save the Puerto Princesa City Bays' Program kamakailan. (Mga larawan sa itaas at ibaba ay mula sa Puerto Princesa City Information Office)

Ang Puerto Princesa ay mayroong mga pangunahing baybayin tulad ng Puerto Princesa Bay, Honda Bay, Ulugan Bay at iba pa na kailangang maisalba sa polusyon.

Isa rin sa pagtutuunan ng pansin ng Pamahalaang Panlungsod ay mailipat ang mga informal settlers mula sa mga coastal areas ng lungsod sa ligtas at maayos na tirahan batay sa Pambansang Pabahay Program ng Pangulo.

Inanunsiyo din ni Mayor Bayron ang pagdaragdag ng mga Wastewater Treatment Plant (WTP) na ilalagay sa mga lugar na may malalaking water outflows. Matapos na mailunsad ang nasabing programa ay isasagawa na ito na regular kada buwan sa iba’t-ibang baybayin ng lungsod. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch