No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ika-45 NDPR Week, ipinagdiwang ng mga may kapansanan sa San Teodoro

Nagbigay ng mensahe si LPDAO President Benjamin Agua, Jr., sa mga taong may kapansanan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-45 NDPR Week na ginanap sa Municipal Covered Court, sa bayan ng San Teodoro kamakailan. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-Mimaropa/OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Ipinagdiriwang ng mga may kapansanan o Persons with Disability (PWD) ang ika-45 National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week itong Hulyo 17-23 na may temang; ‘Aksesibilidad at karapatan ng mga taong may kapansanan: Daan tungo sa sustenableng kinabukasan na walang maiiwan,’ na ginanap sa bayan ng San Teodoro.

Dumalo ang nasa 111 lehitimong kasapi ng PWD ng nasabing bayan na ang ilan ay nagpakita ng kanilang mga talento sa pag awit, poster making at iba pa mula sa walong barangay ng nasabing bayan.

Samantala, namahagi rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga food packs na naglalaman ng bigas, kape, delata, instant noodles at iba pa sa lahat ng kasaping dumating.

Nakiisa rin sa okasyon ang pangulo ng Oriental Mindoro League of Persons with Disability Affairs Office (LPDAO) at Calapan City PDAO Head, Benjamin Agua, Jr., upang ibahagi ang mga karapatan at kakayahan sa lipunan ng mga taong may kapansanan, kasama rin si San Teodoro PDAO Focal Person, Hayden Arenillo, mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaan at Pamahalaang Panlalawigan.

Sinabi ni Agua na malaki ang bahagi ng mga taong may kapansanan sa ating lipunan. "May mga bagay na hindi kayang gawin ng isang normal na tao na kayang gawin ng isang PWD, gayundin naman, kung ano ang nagagawa ng isang normal na tao ay kaya rin pantayan ng isang may kapansanan.”

Layunin ng naturang aktibidad na mapalakas at mapaigting ang pagkakaisa sa pagitan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan sa bansa para mas maunawaan ang mga suliranin at pagmamalasakit sa mga may kapansanan.

Ang NDPR Week ay ipinagdiriwang sa buong bansa tuwing ikatlong linggo ng Hulyo sa pamamagitan ng Proclamation No. 361 bilang paggunita sa araw ng kapanganakan ng dakilang paralitiko at pambansang bayani na si Gat Apolinario Mabini tuwing Hulyo 23. (DN/PIA-MIMAROPA - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch