No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Aksiyon Barangay Kontra Dengue sa Taytay, Palawan, iniutos ni Rodriguez

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Isa sa mga kautusan ni Mayor Christrian V. Rodriguez ng bayan ng Taytay na nakapaloob sa kanyang Executive Order No. 028 series of 2023 na nilagdaan noong Hulyo 17, 2023 ay ang pagsasagawa ng Aksiyon Barangay Kontra-Dengue (ABaKD).

Ang pagsasagawa ng ABaKD ay sa ilalim ng pamumuno ng Barangay Anti-Dengue Task Force (BADTF) kung saan inatasan ang mga ito na magsagawa ng iba’t-ibang aktibidad upang masawata ang lalo pang pagtaas ng kaso ng dengue sa lahat ng mga barangay sa bayan ng Taytay.

Inatasan ni Mayor Rodriguez ang lahat ng BADTF na magtalaga ng isang araw kada linggo para sa pagsasagawa ng sabayang clean-up drive kontra dengue sa lahat ng barangay.

Ang hakbang na ito ng lokal na pamahalaan ay bunsod ng pagkakalagay sa ‘state of health emergency’ dahil sa nakaka-alarmang bilang ng kaso ng dengue sa nasabing munisipyo.

Sa ulat ng Municipal Health Office (MHO), sa 31 barangay ng munisipyo ay 30 dito ang nakapagtala ng multiple cases ng dengue.

Sa datos naman mula sa Provincial Health Office (PHO) mula Enero hanggang Hunyo 2023, ang Taytay ay nakapagtala na ng 1,079 kaso ng Dengue kung saan 13 dito ang mga namatay. Ang Brgy. Poblacion din sa bayan ng Taytay na nakapagtala ng 646 kaso ang nangunguna sa Top 9 barangays sa buong lalawigan na may kaso ng dengue.

Hiniling din ni Rodriguez ang partisipasyon at kooperasyon ng komunidad sa pagsawata at pagkontrol sa dengue sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng  5S kontra dengue, ang pag-practice ng 4’oclock habit, panatilihing malinis ang kapaligiran, sumunod sa paala-ala ng mga nasa health sector, hanapin at sirain ang mga posibleng pangitlogan ng mga lamok sa loob at labas ng bahay at makibahagi sa mga gawain sa barangay.

Maliban sa bayan ng Taytay, ang mga munisipyo pa sa Palawan na may mataas na kaso ng dengue ay ang Bataraza-425, Roxas-413, Brooke’s Point-322, Narra-202, Araceli-187, San Vicente-163, El Nido-153 at Quezon-101. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)


Larawan sa itaas mula sa LGU-Taytay, Palawan

Ipinapaliwanag ni Elvie Redon, kawani ng Provincial Health Office (PHO) ang mga tungkol sa sakit na Dengue sa mga residente ng isang barangay sa Palawan. (Larawan mula sa PIO)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch