LEGAZPI CITY (PIA) — Pinangunahan ng Albay Provincial Police Office (APPO) ang zumba, tugtugan at gift giving activity sa Peñaranda Park, Legazpi City, Albay ngayong araw, Hulyo 24 kaugnay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr.
Kasabay nito ang panawagan ng APPO Information Officer na si PLt. Kharen Formales sa publiko na makiisa para sa katiwasayan at kaayusan ng lalawigan.
‘’Napaka gandang pagkakataon ito na maririnig natin ang ulat sa bayan ng ating Pangulo kaya pinapakiusapan namin, specially ng aming director na si PCol. Fernando Cunanan Jr., ang publiko na kung maari lamang ay panatilihin natin na maayos at mapayapa ang pag gunita natin ng araw na ito,’’ saad ni Formales.
SERBISYO PUBLIKO | Nakiisa ang Legazpi City Police Office sa aktibidad ng Albay Police Provincial Office (APPO) sa Peñaranda park, Legazpi City, Albay at nagtayo ng police service desk upang mapanatili ang kaayusan ng pag gunita ni Pangulong Ferdinand 'Bong bong' Marcos Jr. ng kaniyang ikalawang State of the Nation Address on July 24, 2023.
Aniya, sa kasalukuyan generally peaceful ang sitwasyon sa Albay.
‘’Narito tayo para mag tulong-tulong dahil pare-pareho tayong Pilipino. Iisa lang ang ating adhikain. Yun ay ang magkaroon ng mas orderly, peaceful and progressive na community,’’ ani Formales.
Pagbibigay kasiyahan
Kasama ng APPO ang banda mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Police Regional Office 5 sa kanilang aktibidad na zumba at tugtugan.
''At least sa pamamagitan nito na isinasagawang programa ng APPO kasama ang ibang unit at ibang ahensya ng ating gobyerno ay mas mapapalakas natin yung ating community relations sa kanila,'' ani Formales.
‘’Ang pinaka purpose nito ay mabigyan sila ng kaunting kasiyahan. Yun ang ating pinaka obheto kung bakit isinasagawa ang zumba tugtugan at gift giving activity,’’ dagdag ni Formales.
Aniya, ang nasabing programa ay isa sa best practices o estratehiya ng APPO sa tuwing magkakaroon ng pagtitipon ang publiko.
''Sa tuwing magkakaroon ng gathering yung mga tao, o ang ating mga kababayan dito sa probinsya ng Albay mas minarapat namin na makapag-bigay ng kaunting kasiyahan sa ating mga kababayan,'' saad ni Formales.
Tampok ang mga napapanahong kanta sa nasabing aktibidad na nagbibigay aliw sa mga bumibisita at dumadaan sa parke ng Albay. (PIA5/Albay)