No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Siyam na barangay sa Brooke’s Point, may IPMR na

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Siyam na Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) ang magsisilbing ex-officio member sa Sangguniang Barangay sa 16 barangay sa bayan ng Brooke’s Point.

Sa impormasyong ibinahagi ng Municipal Information Office ng nasabing bayan sa pamamagitan ng kanilang Facebook page ay nanumpa na kay Brooke’s Point Mayor Cesareo R. Benedito, Jr. ang mga bagong napili na mga IPMR ng pitong barangay ng nasabing bayan noong Hulyo 24, 2023.

Ang mga ito ay sina Ismael A. Sagueran ng Brgy. Malis, Lydia I. Insang ng Brgy. Salogon, Apolinareo Rilla ng Brgy. Saraza, Esnen T. Baharon ng Brgy. Oring-Oring, Aprilito U. Mastala ng Brgy. Mainit, Tessie M. Badua ng Bgy. Pangobilian at Jonito S. Lagan ng Brgy. Mambalot.

Ang mga bagong Barangay IPMR sa Bayan ng Brooke's Point kasama si Mayor Cesareo R. Benedito, Jr. pagkatapos ng panunumpa ng mga ito. (Larawan sa itaas at ibaba ay mula sa Brooke's Point-MIO)

Nauna nang nanumpa sina Gemma U. Agor ng Brgy. Amas at Ruel E. Anding ng Brgy. Imulnod kamakailan.

Ibinalita rin ng MIO-Brooke’s Point na isinasaayos pa ang mga dokumento ng mga IPMR na uupo sa mga konseho sa iba pang barangay. Si Nerelia Pacaldo naman ang nakaupong IPMR sa Sangguniang Bayan.

Ang mga IPMR na nabanggit ang tatayong kinatawan ng mga katutubo sa mga barangay at magiging tagapagtanggol at susulong ng mga pangangailangan at kakulangan sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Ang pagkakaroon ng IPMR ay nakasaad sa Republic Act No. 8371-Indigenous People’s Rights Act 1997 o IPRA Law, upang maiangat at kilalanin ang mga karapatan at kultura ng katutubo at upang maisagawa ito, nagtatalaga ng IPMR sa mga barangay na mayroong parehong karapatan sa mga barangay kagawad na kung saan ay tatanggap rin ang mga ito ng mga benepisyo mula sa barangay. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch