No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

LGU Lubang naghatid ng tulong sa mga mangingisdang apektado ng Habagat

Pamamahagi ng foodpacks ng Pamahalaang Lokal ng Lubang sa mga mangingisdang hindi nakapalaot dahil sa matinding sama ng panahon. Larawan ay mula sa Pamahalaang Bayan ng Lubang.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nagpapatuloy ang Local Government Unit (LGU) ng Lubang sa pamamahagi ng mga food pack sa mga mangingisdang hindi nakapalaot dahil sa matinding sama ng panahon.

Ayon kay Mayor Michael Lim Orayani, bago pa man nanalasa sa bansa ang Bagyong Egay, nakararanas na ng masamang panahon ang kanilang lugar kung kaya’t ipinagbabawal ang pangingisda.

Sinabi ng Alkalde na nakita nila ang pangangailangan na maayudahan ang mga mangingisda nang magsagawa sila ng monitoring sa mga coastal barangay ng Lubang upang alamin ang epekto ng Habagat. “Nalaman natin na wala na pala silang isasaing na bigas, kaya’t nag-atas tayo na ipamahagi na ang mga nakahandang food packs na sadyang laan para sa kahalintulad na sitwasyon,” saad ni Orayani. Ang bawat food pack ay naglalaman ng canned goods, instant noodles, at bigas.  

Nilinaw naman ni Orayani na hindi lahat ng mga mangingisda sa Lubang ay apektado. Ang iba sa mga ito aniya ay may sinasakang lupa habang ang ilan ay may trabaho. Subalit mas marami pa rin ang umaasa sa pamamamalakaya bilang pangunahing pinagkakakitaan at sila ang prayoridad na benepisyaryo ng food packs ng LGU. “Sa 16 na barangay dito sa Lubang, 15 ang coastal barangays at isa ay island barangay, ang Cabra. May mga kumpirmadong benepisyaryo sa Cabra na mahahatiran natin ng tulong kapag umayos ang panahon,” ayon pa sa Punongbayan.

Dagdag pa ni Orayani, una na silang nagbigay ng higit 300 food packs kamakailan at nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ihingi ng tulong ang iba pang mga apektadong mangingisda. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch