No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tree Planting Festival 2023, muling isinagawa sa Puerto Princesa

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Muling isinagawa ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang ‘Balayong Tree Planting and Nurturing Festival noong Sabado, Hulyo 30, 2023 sa Balayong People’s Park.

Ito na ang ika-anim na taon ng nasabing aktibidad na sinimulan noong 2017 bilang bahagi ng Urban Forestry Program at mga programang pangangalaga ng kapaligiran ng lungsod.

Sa ulat ni Architect Emily Kristia Parangue, In-Charge ng Balayong People’s Park, umabot na sa 1,119 Balayong Trees ang naitanim sa Parke kung saan 141 na doon ang namumulaklak.

Sa 1,119 Balayong Trees, 558 ang pinangangalagaan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan, civil society organizations at ng mga indibiduwal na nagtanim noong 2017.

Ayon pa kay Parangue, mula Enero hanggang Hunyo 2023 2023 ay umabot na sa 182,865 ang mga turista na bumisita sa Balayong People’s Park kung saan pinakamarami ay noong nakaraang Marso dahil sa Balayong Festival.

Dagdag pa ni Parangue na malaki ang naitutulong ng mga punong sa urban cooling, nakakabuti rin ito sa mental health, mental wellness at nakakatulong sa economic sector.


Makikita sa larawan ang malalaki nang Balayong Tree na itinanaim sa tinaguriang Mayor's Lane sa Balayong People's Park. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Sa isinagawang aktibidad muling nakapagtanim ng 30 Balayong Tree sa parke partikular sa City Arboretum at gayundin din ng iba’t-ibang local at endemic trees ng Palawan na pinangunahan ni Mayor Lucilo R. Bayron.

Sa mensahe ng Alkalde, sinabi niya na ang tagumpay ng Balayong People’s Park ay dahil sa pakikiisa ng lahat ng residente ng lungsod simula noong 2017.

“Lahat kayo na nandito at nakiisa sa ating Balayong Tree Planting and Nurturing Festival, kayo ang bumuo ng Balayong People’s Park, kayo ay bahagi na ng kasaysayan nito,” ang pahayag ng alkalde.

Maliban sa pagtatanim ay nagkaroon din ng iba’t-ibang aktibidad tulad ng Unveiling of Mural Project o ang ‘Kulturang Princesa Mural,' ang paglulunsad ng ‘The Bookpod Project,’ Laro’t Saya sa parke sa Ramon V. Mitra Sports Complex, mayroon ding book reading at puppet show, recitals ng Tropang Balayong at ang ‘Konsiyerto sa Balayong.’ (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch