No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Dagupan CHO muling nagpaalala sa sakit na leptospirosis

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Muling nagpaalala ang City Health Office ng Dagupan sa sakit na leptospirosis na maaaring makuha sa paglusong sa baha.

Ito ay dahil lubog pa rin sa baha ang 31 barangay sa lungsod na dulot pa rin ng Bagyong Egay at habagat na sinabayan naman ng pagtaas ng lebel ng tubig o high tide.

Ayon kay Dra. Ophelia Rivera, city health officer ng Dagupan, nitong buwan ng Hulyo ay nakapagtala ang Dagupan ng tatlong kaso ng leptospirosis kung saan dalawa sa mga ito ang kumpirmadong namatay habang ang isa ay nakarekober sa naturang sakit.

Ani Rivera mas mataas ang kaso ng leptospirosis na naitala ng Dagupan City ngayong taon kumpara sa isa lamang noong nakaraang taon.

“Tuluy-tuloy ang ginagawang pag-iikot ng CHO sa mga binahang barangay sa lungsod para makapagbigay ng gamot na doxycycline upang maiwasan at hindi na dumami pa ang magkaroon ng sakit na leptospirosis,” ani Rivera sa kanyang panayam sa Radyo Pilipinas Dagupan nitong Miyerkules.

Ani Rivera ang sakit na leptospirosis ay isang water-borne na sakit na sanhi ng leptospira bacteria na maaaring pumasok sa sugat ng isang indibidwal kapag lumusong sa baha o lugar na may kontaminadong ihi ng hayop tulad ng daga, aso at kalabaw.

Kabilang aniya sa mga sintomas ng sakit na leptospirosis ang pagkakaroon ng lagnat, muscle pain, sakit ng ulo, paninilaw ng balat at pamumula ng mga mata.

Dagdag ni Rivera na maaaring maapektuhan ng nasabing sakit ang atay, bato o utak ng tao at humantong sa pagkamatay kung hindi maagapan ang sakit na leptospirosis.

“Kung hindi maiwasan na lumusong sa baha ay magsuot na lamang ng bota at siguruhin na linisin ang mga paa at kamay ng malinis na tubig at sabon kapag lumusong sa tubig,” ani Rivera.

Hinikayat naman ang publiko na magdoble ingat upang maiwasan ang sakit na leptospirosis dahil hindi umano 100% na epektibong ang pag-inom ng doxycycline upang maiwasan ang naturang sakit.

Aniya kung lumusong sa baha at natalsikan ang mata o bibig o di kaya ay may sugat ay agad na komunsulta sa doktor na siyang nagrereseta ng gamot para makaiwas sa naturang sakit.

Pinaalalahanan din ni Rivera ang mga magulang na huwag hayaan ang kanilang mga anak na maligo sa tubig baha sapagkat lubhang delikado at maaaring makakuha ng sakit tulad ng leptospirosis at gastroenteritis kung makainom ng kontaminadong tubig.(JCR/MTJAB/EMSA/PIA Pangasinan)

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch