No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagkamatay ng mga pawikan sa Romblon, patuloy na sinusuri

ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Siyam (9) na patay na pawikan, karamihan ay mga babae, ang magkasunod na natagpuan ng mga residente ng limang barangay sa Romblon, Romblon sa loob lamang ng anim (6) na araw simula Hulyo 27, 2023.

Ayon sa ulat ng Municipal Environment & Natural Resources Office (MENRO) ng bayan ng Romblon, ang mga pawikan ay natagpuan ng mga residente sa mga barangay ng Hinablan, Agnipa, Agpanabat, Lunas, at Calabogo.

Ayon kay MENR Officer Psyche Mariño, posibleng dynamite fishing ang dahilan nang mga pagkamatay ng mga pawikan dahil sa pare-pareho ang tama ng mga ito. Ito ay base na rin sa initial assesment ng Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ibinahagi kay Mariño.

"Almost everyday ay may inirereport sa aming mga patay na pawikan. Alam na ito ni Mayor at makikipagpulong na sa iba't ibang concerned agencies kaugnay dito," pahayag ni Mariño.

Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Romblon na wala pang ulat sa kanila ang MENRO Romblon kaya hindi pa sila makakapagbigay ng pahayag.

Pinagtulungan ng mga tauhan ng Coast Guard Station Romblon at PNP Maritime ang pagbubuhat sa isang patay na pawikan na nakita sa Barangay Hinablan sa Romblon nitong Agosto 2, 2023. (Photo courtesy of Romblon Police Maritime Group)

Samantala, sinabi ni Ivee Kareen Ragasa ng Maritime Police Station na hindi pa nila naisisiguro na dynamite fishing ang dahilan nang pagkamatay ng mga pawikan dahil kailangan pa nila itong imbestigahan ng mas malalim. Wala rin umano silang namomonitor na nagsasagawa ng dynamite fishing sa probinsya.

Sinabi rin ni Ragasa na tinitingnan rin nila ang iba pang posibilidad kung bakit patuloy ang pagkamatay ng mga pawikan sa lugar. (PJF/PIA MIMAROPA - Romblon)

About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch