(Tagalog translation)
Binabayarang blood processing fee, muling nilinaw ng Red Cross
BAGUIO CITY (PIA) -- Muling ipinaliwanag ng Red Cross ang tungkol sa blood processing fee na binabayaran ng mga kumukuha ng dugo sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Red Cross Youth Chapter Service Representative Vina Vanica Asuncion, dumadaan sa maraming proseso ang dugo upang matiyak na ligtas itong ibibigay sa pasyente at hindi ito mahahawa ng anumang sakit.
"Dumadaan po 'yung ating blood sa mga screening po na tinatawag po natin katulad po ng malaria, HIV, syphilis, and for the confirmation ng blood type at RH," si Asuncion.
Paliwanag nito, sa naturang proseso, nahihiwalay ang mga component ng dugo kabilang na ang packed RBC (red blood cell) at whole blood na maaaring magtagal ng 35 days, platelet na tumatagal ng limang araw, at ang frozen plasma na nagtatagal ng isang taon.
Aniya, ang blood processing fee ng bawat 450 cc ng whole blood ay P1,800 samantalang ang packed RBC ay P1,500, habang ang platelet at frozen plasma ay P1,000.
Para sa mga hindi kayang magbayad ng blood processing fee, sinabi ni Asuncion na maaari silang mag-apply sa Blood Samaritan Program ng kanilang tanggapan upang hindi na sila magbayad o mabibigyan sila ng dikswento.
Pinayuhan naman nito ang mga kukuha ng dugo na tumawag muna bago magtungo sa kanilang tanggapan. Kung tutungo na sila sa Red Cross ay kailangang dalhin nila ang blood request form mula sa ospital at ang styro box na paglalagyan ng dugo.
Sa ngayon ay sapat ang suplay ng dugo sa Red Cross Baguio. Gayunman, hinikayat ni Asuncion ang mga maaaring magbigay ng dugo na magtungo lamang sa kanilang opisina sa No. 39, Harrison Road, Baguio City. Ang mga magdo-donate ng dugo ay dadaan din sa screening bago sila makuhanan ng dugo.
"We encourage everyone na kung may kakayahan po tayo na magdugtong ng buhay, mag-donate po tayo ng dugo dahil po 'yung ating blood supply ay minsan po ay limited," saad ni Asuncion.
Bukod sa makakatulong sa pagdugtong ng buhay ng ibang tao, ang pag-donate ng dugo ay nakapagbibigay din ng benepisyo sa donor gaya ng pagbuti ng cardiovascular health, mababawasan ang risgo ng kanser, at iba pa. (DEG-PIA CAR)