Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, inisyal pa lamang ito dahil nasa P500 milyon ang inilaan ng ahensiya para sa iba’t ibang pang-agapay para sa Bulacan.
Bukod ito sa 75 libong Family Food Packs (FFPs) na nauna nang ipinadala ng kagawaran sa Bulacan at mayroon pang 105 FFPs na darating.
Target naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na matulungan ang nasa 200 na micro, small and medium enterprises (MSMEs) na pinaka naapektuhan ng malakihang pagbabaha sa Bulacan.
Sinabi ni DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon na ang unang 20 MSMEs ay pinagkalooban ng nasa P15 libong halaga ng mga paninda o mga kailangan sa partikular na hanapbuhay gaya ng salon, eatery, bigasan at sari-sari store sa ilalim ng Programa para sa Pagbangon at Paginhawa
Ang financial arm ng DTI na Small Business Corporation ay nagpautang ng tig-P300 libo sa dalawang MSMEs at isang P152 libo pa sa ilalim ng Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential Multipurpose Loan.
Samantala, iniabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nasa P33 milyong halaga ng mga tseke mula sa Presidential Social Fund ng kanyang tanggapan bilang tulong sa mga pamahalaang lokal sa pagtugon sa mga binaha.
Pinakamalaki rito ang P15 milyon para sa pamahalaang panlalawigan na pormal na tinanggap ni Gobernador Daniel R. Fernando.
Tig-P2 milyon naman ang ibinigay sa mga bayan at lungsod na pinaka naapektuhan ng pagbabaha gaya Bulakan, Calumpit, Bustos, San Ildefonso, San Rafael, Pulilan, Hagonoy, San Miguel at Malolos.
Tinanggap din ng Gobernador ang P4.3 milyong halaga ng mga binhi mula sa Department of Agriculture.
Makikinabang dito ang 3,988 na magsasaka ng palay, 671 na maggugulay, siyam na magmamais at mayroon ding bahagi rito para sa 713 na mga mangingisda. (CLJD/SFV-PIA 3)