Lungsod ng Legazpi, Agosto 4, PIA -- Umabot na sa 26 milyong kubiko ang nailabas na lava o nagbabagang mga bato mula sa Bulkang Mayon simula ng mag alburuto ito at itaas sa alert level 3 ang paghahanda noong ika-8 ng Hunyo, kasalukuyang taon.
Ayon kay Dr. Paul Karson Alanis, resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology Mayon Volcano Observatory (PhiVolcs MVO) sa lungsod ng Legazpi, ang patuloy na mataas na nitatalang parametro ng bulkan, ay nangagahulugan na ang kasalukuyang “effusive eruption” nito ay hindi pa rin humuhupa.
Maliban sa mga pangkaraniwang kaganapan sa bulkan tulad ng pamamaga ng bungad nito, pagkakaroon ng mga rockfall events, katamtamang pagsingaw at nagbabagang dulo ng bulkan, madami rin ang naitatalang mga volcanic earthquakes ngayong nakalipas na buwan ng Hulyo.
Kapansin pansin rin ang pagtaas ng Sulfur dioaxide emission na umabot sa 4,113 nitong ika-29 ng Hulyo. Mas mababa naman sa 500 – 1000 tons per day sulfur dioxide emission ang naitala sa buwan ng Hunyo.
Umabot naman sa 258 volcanic earthquakes ang naitala ng PhilVolcs nitong ika-1 ng Agosto. Nakapagtala ng dagdag na 282 volcanic earthquakes ang ahenya nitong ika-4 ng kasalukuyang buwan. Bumaba naman ang bilang ng mga paglindol sa ibang mga araw ng pagmamanman sa unang linggo ng Agosto.
Bagamat naitatala ang pagdami ng volcanic earthquakes, mahina naman ang lakas nito o seismic energy ayon sa PhiVolcs MVO. Kasabay ring dumarami ang mga rockfall events ng bulkan.
May mga volcanic tremors o panginginig sa itaas na bahagi ng bulkan na tumatagal ng ilang minuto. Ayon sa PhiVolcs, ito ay tanda ng patuloy na pagtaas ng magma sa bunganga ng bulkan na nagbibigay ng kaunting pwersa, dahilan upang magkaroon ng tremor sa bulkan.
Batay sa pinahuling tala ng PhiVolcs MVO nitong ika-4 ng Agosto, patuloy ang mabagal na pagdaloy ng lava mula sa bunganga ng bulkan na umabot na sa 2.8 kilometro pababa sa Miisi gully; 3.4 kilometro pababa sa Bonga gully at 600 metro sa Basud gully, samantalang umaabot na rin sa apat na kilometro ang haba ng dinaanan pababa ng lava mula sa crater ng bulkan.
May naitala ring 23 na ashing events, 10 na tremors na tumagal ng 4 na minute at 180 na rockfall events kasama ang 5 pyroclastic density currents o uson at 1,316 toneladang sulfur dioxide emission.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok ng sino man sa loob ng 6 kilometer permanent danger zone ayon sa PHIVOLCS. (PIA 5)