LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Nagsagawa ang House Committee on Appropriations ng imbestigasyon sa pagbaba ng gastusin ng pamahalaan kahit na may pagtaas sa Pambansang Badyet.
Ginawa ang pagdinig nitong Development Budget Coordination Committee (DBCC) Briefing sa Kongreso tungkol sa FY 2024 National Expenditure Program (NEP) nitong nakaraang Huwebes, Agosto 10, 2023.
Natanong ni Congressman Salvador Pleyto, kinatawan ng Bulacan 6th District, sa DBCC ang tungkol sa rate ng paggamit ng mga National Government Agencies (NGAs). Ibinalita ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na hanggang Marso 31, 2023, ang average obligation rate ng mga national government agencies o NGAs ay 30.5 porsyento lamang ng P3.40 trilyon na ibinigay ng DBM sa mga ahensiya.
Samantala, nailabas na ng DBM ang P4.73 trilyon o humigit-kumulang 90.0 porsyento ng FY 2023 National Budget hanggang Hunyo 2023. Ito ay nag-iwan ng balanse na P533.27 na ilalabas pa sa mga susunod na buwan upang suportahan ang mga prayoridad na programa at proyekto ng mga ahensiya ng pamahalaan, alinsunod sa mga patakaran at regulasyon sa pagba-budget.
Kabilang sa mga NGAs na may pinakamataas na obligation rates ay ang Department of Foreign Affairs (54.2%), Department of Finance (49.7%), at Department of Public Works and Highways (49.6%). Sa kabilang banda, ang mga may pinakamababang obligation rates ay nasa Department of Information and Communications Technology (5.6%), Department of Migrant Workers (10.0%), at Department of Energy (10.5%).
Inihayag ng Budget Chief sa Kongreso na sa katunayan, nagsimula na ang DBM ng mga paraan upang tiyakin ang tama at maagap na paggamit ng kanilang alokasyon ng pondo, na nag-uutos sa mga ahensiya ng pamahalaan na magsumite ng ulat ukol sa status ng kanilang mga proyekto, tukuyin ang mga hadlang, at magsumite ng "catch-up plan."
"We requested all the agencies to submit their catch-up plans not later than September 15, 2023 (Hiniling namin sa lahat ng ahensiya na isumite ang kanilang mga catch-up plan nang hindi lalampas sa ika-15 ng Setyembre 2023)," ani Pangandaman.
Ipinagtibay ng DBM ang Circular Letter No. 2023-10 na nag-uutos sa mga ahensiya na magsumite ng "catch-up plans" upang mapabilis ang pagpapatupad ng budget sa natitirang bahagi ng FY 2023. Ito ay idinagdag pa sa karaniwang Agency Performance Review at monitoring/evaluation ng status ng budget batay sa pagsumite ng mga ulat ng pananagutan sa budget sa ilalim ng Unified Reporting System (URS).
Ang mga departamento at ahensiya ay maaaring magamit pa ang kanilang alokasyon sa ilalim ng FY 2023 General Appropriations Act (GAA) hanggang Disyembre 31, 2024, maliban sa Personnel Services na maari lamang maobliga at mabayaran hanggang Disyembre 31, 2023. (DBM/PIA-NCR)