No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

48,210 kilos ng basura, nakolekta sa ikalawang ‘Save the Puerto Princesa Bays’

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Umabot sa 48,210 kilo ng mga basura ang nakolekta sa ikalawang episode ng ‘Save the Puerto Princesa Bays Program’ ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.

Isinagawa ang nasabing programa sa Barangay Bagong Silang noong Sabado, Agosto 12 kung saan maraming mamamayan ng lungsod ang nakiisa dito.

Sa tala ng Solid Waste Management at Oplan Linis Program, mahigit 1,000 trash bins o 14 na fully-loaded trucks ang nakolektang basura ng mga nakilahok sa Scoop Basura Version 2.0 competition na isa sa mga aktibidad sa ‘Save the Puerto Princesa Bays Program’

Isinagawa rin ang mudball throwing at coastal cleanup sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron kasama ang mga kawani ng pamahalaang panlungsod, non-government organizations at iba pang ahensya na nagpakita ng kanilang mainit na suporta sa environmental program ng siyudad.

Unang inilunsad ang programang ito sa Brgy. Mandaragat noong Hulyo 29 na naglalayong maisalba sa polyusyon ang mga baybayin ng lungsod at nagkaroon ito ng magandang 'impact' sa paghinga ng Puerto Princesa bay mula sa mga basura at duming itinatapon sa dagat.

Isa lamang ang hanay ng pulisya sa nakiisa sa Coastal Cleanup at Scoop Basura Version 2.0 competition sa isinagawang 'Save the Puerto Princesa Bays Program' kamakailan, (Larawan mula sa City Information Office)

Naka-sentro rin ang ‘Save the Puerto Princesa Bays’ sa ikalabing-apat na kategorya ng 2030 Sustainable Development Goals o SDG, ang "Life Below Water" na 'commitment' ng bansang Pilipinas sa United Nations na suportahan at mapahalagahan.

Masusundan naman sa Agosto 26, ang ikatlong episode ng Save the Puerto Princesa Bays na gaganapin sa Purok Abanico Road, Brgy. San Pedro at sa Setyembre 9 sa Cuyito Area (Cruise Port) sa Brgy. Pagkakaisa. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch