No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P’sinan health office sa publiko: Agad magpakonsulta kung makaranas ng sintomas ng leptospirosis

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Muling nagpaalala ang Provincial Health Office (PHO) sa publiko na agad kumonsulta sa pinakamalapit na health facility kung lumusong sa tubig baha sa nakaraang dalawang araw lalo kung makararanas ng sintomas ng leptospirosis.
 
Ito ay matapos magtala ang PHO ng mas mataas na kaso ng pagkamatay dahil sa sakit na ito.
 
Ayon sa monitoring report ng PHO, mula Enero hanggang Agosto 14 ngayong taon ay nakapagtala ng anim na kaso ng pagkamatay sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa leptospirosis.
 
Sinabi ni Eugenio Carlos Paragas, nurse sa PHO, mas mataas ang kaso ng pagkamatay na naitala ngayong taon kumpara sa isang kaso lamang sa parehong panahon sa taong 2022.
 
“Ang mga residenteng kumpirmadong namatay dahil sa sakit na leptospirosis ay mula sa bayan ng Sison, Manaoag, Umingan, Sto. Tomas, Bugallon, at lungsod ng Dagupan,” ani Paragas.
 
Aniya sa parehong panahon, 26 na kaso ang naitalang tinamaan ng leptospirosis ngayong tayo sa lalawigan kumpara sa 25 na kaso noong 2022.
 
Dagdag pa ni Paragas pawang mga kalalakihan na nasa edad 35 hanggang 39 ang mga tinamaan ng nasabing sakit.
 
Umaasa ang PHO na hindi na madadagdagan ang mga naitalang kaso bagamat may mga lugar pa rin sa lalawigan ang nakararanas ng pagbaha dulot ng mabagal na paghupa ng tubig.
 
Ayon kay Paragas, hindi dapat ipagwalang bahala ang sakit na leptospirosis dahil ito ay nakamamatay lalo kung ang isang indibidwal ay may sugat sa paa o kamay at lumusong o nagtampisaw sa kontaminadong tubig o baha at hindi agad nagpakonsulta.
 
Ani Paragas, ang mga sintomas na dapat bantayan upang hindi mauwi sa pagkamatay dulot ng nasabing sakit ay ang pagkakaroon ng lagnat na may kasamang alinman sa dalawa sa mga sumusunod: pananakit ng katawan o kalamnan, pananakit ng ulo, pananakit ng tiyan, paninilaw ng balat o mata, pamumula ng mata, pagkonti ng ihi, giniginaw, pagsusuka o pagtatae, at rashes.
 
Aniya ang mga health offices sa bawat bayan sa Pangasinan ay may sapat na gamot na doxycycline na ipinamamahagi ng libre sa mga residenteng hindi maiwasan ang paglusong sa tubig baha.
 
Dagdag din niya na ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kalinisan sa paligid ang isa mga mabisang pag-iwas sa anumang sakit. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)
 

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch