No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

COMELEC-Dagupan magsasagawa ng off-site filing ng COC

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) - Magsasagawa ang Commission on Elections (COMELEC)-Dagupan City ng off-site filing ng certificate of candidacy o COC para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Election mula ika-28 ng Agosto hanggang ikalawa ng Setyembre.


Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, election officer ng Dagupan City, karaniwang isinasagawa ang filing ng COC sa City o Municipal Office ng Election Officer na nakakasakop sa barangay kung saan nais tumakbo at mahalal ng isang kandidato; ngunit ngayong taon, sa lungsod ng Dagupan, gaganapin ang pagsumite ng COC ng mga nais kumandidato sa Dagupan City Peoples’ Astrodome. 


“Ang sitwasyon kasi natin sa opisina ay masikip at under renovation ang harap ng ating City Hall kaya we decided na ilipat dito sa People’s Astrodome para sa convenience ng mga kakandidato,” ani Sarmiento.


Dagdag pa niya, magsisimula ang filing ng COC sa nasabing lugar mula alas otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.


Aniya, maliban sa COMELEC, mayroon ding mga kawani mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at notary public ang dadalo sa COC filing upang makapagbigay ng agarang serbisyo para sa mga nais kumandidato.


Inaasahan na nasa 2,000 aspirants mula sa 31 na barangay sa lungsod ang magsusumite ng kanilang COC para sa posisyon ng punong barangay, barangay kagawad, SK chairperson at SK kagawad.


Nakipag-ugnayan na umano ang COMELEC sa kapulisan upang maging matiwasay ang gaganapin na isang linggong aktibidad.


Payo naman ng opisyal sa mga aspirants na magdala ng passport size na larawan at pitong orihinal na kopya ng kanilang COC.


Ang mga COC ay dapat may documentary stamp na may halagang P30 bawat isa at dapat ay naka-notaryo na bago isumite sa COMELEC.


Paalala ni Sarmiento na ang bawat kandidatong matagumpay na makapag-sumite ng kanilang COC ay maituturing nang kandidato kaya naman sila ay sasailalim na sa mga panuntunan ng eleksyon gaya na lamang ng pagbabawal sa maagang pangangampanya.


Ang mga kandidato na mangangampanya bago ang ika-19 hanggang ika-28 ng Oktubre ay maituturing na premature campaigning at maaaring maging dahilan ng kanilang diskwalipikasyon. 


Ani Sarmiento, ang lungsod ng Dagupan ang may pinakamalaking bilang ng mga botante sa Rehiyon Uno na maaaring makaboto sa 2023 BSKE. 


Nasa 141,906 ang rehistradong botante para sa barangay at nasa 54,999 naman ang rehistrado para sa Sangguniang Kabataan. (JCR/MJTAB/EMSA PIA Pangasinan)


About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch