LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Naglatag na ng paghahanda ang NLEX Corporation kaugnay sa gaganaping opening ng FIBA Basketball World Cup sa Philippine Arena sa Bocaue sa darating na Biyernes, Agosto 25, sanhi ng inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa nasabing expressway.
Ayon sa pamunuan ng NLEX, mag-dedeploy ng mahigit 200 traffic personnel at incident response teams sa loob ng Ciudad de Victoria at sa strategic areas sa buong NLEX.
Kasama rin sa kanilang ginawang paghahanda ang pag-install ng mga directional road signage upang gabayan ang mga motoristang pupunta sa Philippine Arena.
Magbibigay rin ng libreng P2P shuttle services papunta at palabas ng Philippine Arena mula 11:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa mga itinalagang pick up at drop off points.
Kabilang sa mga pick up at drop off points ang PITX Bus Terminal, Mall of Asia Arena, One Ayala Bus Terminal, BGC Market Market Bus Terminal, SM Megamall, Araneta City, Trinoma, SM North, Clover Leaf Ayala Mall Bus Terminal, SM Baliuag, SM Pampanga, at SM Clark.
Magpapatupad rin ng 100% RFID ang Ciudad de Victoria toll plazas kaya hinihikayat ang mga motoristang magpalagay ng Easytrip RFID at siguraduhing may sapat na load bago bumiyahe.
Bubuksan ang gate ng Philippine Arena sa ganap na 12:00 ng hapon at isasara ang lahat ng access papunta dito simula 5:30 ng hapon.
Tanging P2P buses at mga sasakyang may valid vehicle access at parking permits na awtorisado lamang ng FIBA ang papayagang makapasok mula 5:30 ng hapon hanggang sa makalabas ang mga taong nanood ng laro.
Pinapayuhan naman ang mga motoristang papunta sa Sta. Maria, Bulacan sa araw na ito na maglaan ng karagdagang oras sa biyahe at dumaan sa mga alternatibong ruta gaya ng Marilao, Bocaue, o Tambubong exits.
Para sa karagdagang impormasyon at lagay ng trapiko sa NLEX, maaaring i-check ang official Facebook, Twitter, at Viber account ng NLEX Corporation o kaya naman ay tumawag sa hotline 1-35000. (MJSC/VFC-PIA 3)
File Photo - Philippine Arena (Shane Velasco/PIA-3)
File Photo-NLEX Ciudad de Victoria Interchange (Shane Velasco/PIA-3)