No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga miyembro ng asosasyon sa Sta. Cruz, sumailalim sa WODP-Plus training ng DOLE

SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) -- Isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque ang pagsasanay sa 25 miyembro ng Komprehensibong Kalakalan at Komersiyo (KKK) workers’ association sa Brgy. Lipa, Santa Cruz.

Ang aktibidad ay bahagi ng Level I na pagsasanay ng ahensya sa ilalim ng Workers Organization Development Program (WDOP) Plus na may layuning ihanda ang mga kalahok para sa tulong pangkabuhayan na kanilang matatanggap.

Binigyang-diin sa isang araw na pagsasanay ang mga mahahalagang aspekto ng pamamahala ng pondo ng negosyo, basic photography at paggamit ng social media para ma-ibenta ang mga produkto at serbisyo gamit ang online o internet platform.

Bilang bahagi ng programa, tinalakay ni DOLE Mimaropa Mediator-Arbiter, Atty. Shirley Marie Quiñones ang mga kaalaman tungkol sa Reportorial Requirements para sa mga DOLE-registered association.

Nagsagawa rin ng malawakang pagsasanay si DOLE Regional Accountant Marygrace Yambao hinggil sa epektibong pamamahala sa negosyo kung saan ay tinalakay din ang wastong pagbabadyet, pagsusuri ng gastusin at pag-aaral ng financial statement.

Ibinahagi naman ni Richard Justin Lancion, Project Development Officer ng Department of Information Communications and Technology (DICT)-Marinduque kung paano kumuha ng mataas na kalidad ng larawan ng mga produkto na maaaring gamitin sa online marketing. Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng paggamit ng mga plataporma upang i-promote ang mga produkto at magkaroon ng online presence. Natutunan ng mga kalahok ang mga mahahalagang estratehiya para sa paglikha ng epektibong kampanya sa marketing, pakikipag-ugnayan sa mga customer at pagbuo ng matibay na online brand.

Sa huli ay nagpahayag ng pasasalamat ang pangulo ng asosasyon na si Rowena Gobio at sinabing masuwerte ang kanilang grupo dahil nabiyayaan sila ng programa ng ahensya at malaki ang maitutulong ng kanilang natutunan sa pag-angat ng kanilang benta.

Ang WDOP Plus ay may layuning paigtingin ang kakayahan ng mga samahang manggagawa sa epektibong pagsulong ng pagkakaisa, pagpapalakas ng kapangyarihan ng mga manggagawa at malusog na employer-employee relationship. Bahagi rin ng layunin nito na tumulong sa pagtatatag ng mga proyektong nagbibigay-kabuhayan at oportunidad para sa mga rehistradong manggagawa ng DOLE at mapabuti ang kita ng mga ito. (RAMJR/PIA Mimaropa-Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch