No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ika-29 anibersaryo ng TESDA, tagumpay

KABASALAN, Zamboanga Sibugay, Agosto 29 (PIA) - Makulay at produktibong pagdiriwang ang ginananap na ika-dalawampu't-siyam na anibersaryo ng TESDA at National Tech-Voc Day sa Zamboanga Sibugay Polytechnic Institute, Kabasalan. 

Nagkaroon ng iba't-ibang mga aktibidad ang TESDA Zamboanga Sibugay katulad ng motorcade, zumba at skills competition. Naging masigasig ang mga dumalo sa mga aktibidad ng ahensya, lalo na sa naging highlight ng aktibidad, ang job fair na binansagan bilang "world cafe of opportunity".

Naimbitahan sa naturang job fair ang ilang mga employers mula sa lalawigan upang magbigay ng oportunidad sa mga Sibugaynon na naghahanap ng trabaho o mapapasukan.

"Prayoridad natin ang mga nagtapos ng TVET dito sa Zamboanga Sibugay ngunit malugod din nating tinanggap ang mga non-TVET graduates at nagpapasalamat kami sa ating mga employers at mga industry partners," pahayag ni G. Eusebio T. Tose, Supervising TESDA Specialist.  

Naging masusi ang pagpili ng mga employer sa mga masigasig na mga aplikante. / Photo: TESDA Region IX

Katuwang ang DOLE-Zamboanga Sibugay, naging matagumpay ang nasabing job fair. Nagtala ito ng mahigit-kumulang 400 na aplikante na pumunta sa venue. Labing-pito ang natanggap sa mismong araw at nasa 200 ang kinokonsidera para magpatuloy sa proseso.   

Ginanap din sa araw na iyon ang pag-gawad ng parangal sa mga nanalo sa skills competition kung saan nakatanggap sila ng cash prize at medalya. Inengganyo ni Engr. Alan T. Bacatan, Provincial Director ng TESDA Sibugay, ang mga nagwagi na ipagpatuloy ang pagpupursigi at paghasa sa kanilang mga kakayahan.

Sa pamamagitan ng masigasig na selebrasyon at produktibong job fair, naging matagumpay ang ika-29 anibersaryo ng TESDA at National Tech-Voc Day sa Zamboanga Sibugay. Ipinapakita nito ang dedikasyon ng ahensya sa pagtataguyod ng edukasyon para sa mga Sibugaynon at sa patuloy na pagbibigay ng pag-asa at oportunidad para sa kanilang kinabukasan. (RVC/JPA/RBI/PIA9-Zamboanga Sibugay)

About the Author

Rommel Ignacio

Writer

Region 9

Information Officer - I at Provincial Information Center Zamboanga Sibugay

Feedback / Comment

Get in touch