No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga residente ng Ilocos Sur, pinag-iingat ng DOH sa Dengue

LUNGSOD NG VIGAN, Ilocos Sur (PIA) — Ngayong uso na naman ang sakit na dengue dahil sa mga pag-ulan, pinag-iingat ng opisina ng Kagawaran ng Kalusugan sa probinsyang ito ang mga residente ukol sa naturang sakit.


Sa panayam kay Development Management Officer John Lee Gacusan ng Provincial Department of Health Office (DOH) sa programang Ammuentayo noong Sabado, Agosto 26, ay sinabi niyang mayroon nang naitala na 159 na kaso ng dengue sa buong probinsya mula Enero ngayong taon.

Ito ay base sa kanilang pagbabantay sa huling ulat noong Agosto 12 mula sa mga iba’t ibang ospital at Rural Health Units.


Aniya, sa kabuuang bilang na ito lima sa may pinakamataas na kaso ang lungsod ng Candon na may 26, bayan ng Cabugao (21), bayan ng Tagudin (18), bayan ng San Juan (9) at bayan ng Magsingal (8).


Ang pinakamataas a bilang ay naitala sa buwan ng Hulyo kung saan may 49 na kaso, kasunod ang buwan ng Hunyo kung saan nagkaroon ng 27, at sa huling ulat sa buwan na ito ay may 11 naitala.

Nagpaalala si Development Management Officer John Lee Gacusan ng DOH Ilocos Sur sa pag-iwas sa sakit na Dengue sa programang Ammuentayo ng PIA Ilocos Sur.PIA/ATV

Pinaalalahanan din ni Gacusan ang publiko na magtaob ng mga lalagyan na maaaring pag-ipunan ng tubig o pangitlogan ng mga lamok upang maiwasan ang dengue.

Dagdag pa niya ay dapat takpan ang iba pang imbakan ng tubig, i-recycle o itapon ang mga bote at iba pang lalagyan, at magsuot ng mahahabang damit o gumamit ng mosquito repellant.

Ibinahagi ni Development Management Officer John Lee Gacusan ng DOH Ilocos Sur ang mga dapat gawin upang maiwasan ang sakit na Dengue sa programang Ammuentayo ng PIA Ilocos Sur.PIA/ATV

Ang mga sintomas dengue, aniya, ay pagkakaroon ng mataas na lagnat na nagtatagal ng dalawa hanggang pitong araw, sakit sa kasu-kasuan at kalamnan, pamamantal, panghihina, pagdurugo ng ilong, at pag-ubo, pagsusuka at pagtatae ng dugo.


"Kung nakakaranas tayo ng ganitong sintomas lalong-lalo na kung nagkaroon ng dengue doon sa isang lugar o kahit wala pa, pinapayuhan po natin na pumunta na sa pinakamalapit na pagamutan," ani Gacusan.


Pakiusap niya, "Simulan po nating labanan ang mga sakit ngayong tag-ulan sa pamamagitan po ng pagsisimula ng paglilinis sa atin pong mga tahanan."(JCR/MJTAB/ATV, PIA Ilocos Sur)

About the Author

Aila Villanueva

Writer

Region 1

Aila T. Villanueva is an Information Officer I of the Philippine Information Agency Ilocos Sur Information Center based in the Heritage City of Vigan.

Feedback / Comment

Get in touch