IBA, Zambales (PIA) -- May 13 micro enterprises sa Zambales ang tumanggap ng livelihood kit mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ito ay sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) na tulong pangkabuhayan ng ahensya sa mga naapektuhan ng kalimidad.
Sinabi ni DTI Zambales Business Development Division Chief Marilou Arcega na kabilang sa mga benepisyaryo ang mga manufacturer at food processor mula sa mga bayan ng Castillejos, San Marcelino, San Narciso, Palauig, at Masinloc na naapektuhan ng bagyong Egay at ang mga biktima ng sunog sa bayan ng Iba.
Paliwanag ni Arcega, ang mga natukoy na benepisyaryo ay may Certificate of Endorsement mula sa kani-kanilang lokal na pamahalaan na sila ay biktima ng naturang mga kalamidad.
Kabilang sa kanilang mga tinanggap ang mga supplies na ginagamit nila sa kanilang negosyo gaya ng mantika, asukal, harina, at sari-sari store items.
Hinikayat ni Arcega ang mga benepisyaryo na tapatan ng sipag at tiyaga ang pagpapalago ng kanilang negosyo upang maging matagumpay ang programang PPG at magamit ng maayos kung saan nararapat ang pondo ng gobyerno.
Dagdag pa niya, tataas ang ekonomiya ng komunidad at antas ng pagiging produktibo ng mga mamamayan kung ang mga maliliit na negosyante ay patuloy na yumayabong. (CLJD/RGP-PIA 3)

May 13 micro enterprises sa Zambales ang tumanggap ng livelihood kit sa ilalim ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa ng Department of Trade and Industry. (DTI Zambales)