No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Online na pagbebenta ng mga agri products, inilunsad sa Nueva Vizcaya

Inilunsad kahapon sa lalawigan ang online na pagbebenta ng mga agricultural products upang maputol ang mga nananamantalang middlemen at mas kikita ang mga magsasaka sa Nueva Vizcaya. (PIA Photo)

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Inilunsad kahapon sa lalawigan ang online na pagbebenta ng mga agricultural products  upang mapigilan ang mga nananamantalang middlemen at mas kikita ang mga magsasaka sa Nueva Vizcaya.

Sa pamamagitan ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) Fresh Online Platform, malayang mai-uupload, maipapakita at maibebenta ang mga produkto ng mga magsasaka sa lalawigan gamit ang isang digital application (app) sa mga online institutional buyers sa bansa kung saan bultohan kung bumili ng mga produkto.

Ayon kay Gilbert Cumila, NVAT General Manager, nag-umpisa na ang operasyon at paggamit ng kanilang digital app na NVAT Fresh Online Platform kung saan nakapagbenta na sila ng bultuhang order sa kanilang institutional buyer sa Metro Manila at naging positibo ang feedback nito dahil sa magandang kalidad ng mga inorder na gulay.

Dahil sa business-to-business na sistema ng NVAT Fresh Online, umaasa si Cumila na kikita ang mga magsasakang tumatangkilik sa NVAT dahil diretso na silang makikipag-usap  sa mga online institutional buyers ng kanilang produkto.

Ang NVAT Fresh Online ay isang partnership initiative na programang  Strengthening Private Enterprises for the Digital Economy (SPEED) ng Department of Trade and Industry(DTI) at United States Agency for International Development (USAID),  katuwang ang provincial at municipal governments ng Nueva Vizcaya at bayan ng Bambang.

Ayon naman kay Rebekah Eubanks, Deputy Mission Director ng USAID Philippines, 5,000 metric tons na produkto na nagkakahalaga ng P125 million ang kikikitain ng agricultural terminal sa isang taon  at P500 million naman  sa ika-limang taon nito mula sa 20,000 metric tons na maibebentang mga agricultural products dahil sa digitalisasyon ng NVAT at mga magsasakang tumatangkilik dito.

Napili ang NVAT sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya bilang pilot area ng SPEED Program dahil sa maayos na pamamahala at operasyon nito kumpara sa ibang food terminals sa bansa.

Bagama’t may mga agam-agam ang mga ilang magsasaka sa nasabing proyekto, naniniwala si NVAT General Manager Cumila na magtatagumpay ang nasabing programa sa layunin nitong matulungan at mai-angat ang kabuhayan ng mga magsasaka sa lalawigan. (BME/PIA NVizcaya)


About the Author

Benjamin Moses Ebreo

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch