LUNGSOD NG QUEZON (PIA) -- Ang binabantayang Low Pressure Area sa 1,010 km East of Eastern Visayas (11.1°N, 135.0°E) ay posibleng maging ganap na bagyo at tatawaging Tropical Depression ‘Paeng’, ayon sa 4:00 am weather forecast ng DOST-PAGASA ngayong araw, Oktubre 26.
Posibleng tahakin nito ang eastern section ng Luzon ngunit maaaring mag-recurve o hindi tumama sa kalupaan. Subalit, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na ito ay mag-landfall sa Visayas, Central o Southern Luzon.
Kasalukuyang nakakaapekto naman ang Northeast Monsoon o Hanging Amihan sa Hilagang bahagi ng Luzon habang ang shearline naman ay nagdadala ng pag-ulan sa Katimugang bahagi ng Luzon. Ito rin ang nagpaulan sa malaking bahagi ng Central Luzon at Metro Manila kahapon.
Inaasahan ngayong araw ay makakaranas pa rin ng mga mahihinamg pag-ulan ang mga lugar sa Northern Luzon dulot ng Amihan. Habang sa Metro Manila at Southern Luzon kasama ang MIMAROPA, Bicol Region at CALABARZON ay posible pa rin ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog.
Patuloy na pinaghahanda ang publiko sa anumang sama ng panahon at patuloy na mag-abang ng pinakabagong ulat ng lagay ng panahon. (KAA - PIA CPSD)