No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog Features: Tagalog Feature: Batang child laborer, balik paaralan na

Batang child laborer, balik paaralan na

(Ang dating child laborer na si Rowen Revillas na nakabalik na sa pag-aaral sa tulong ng DOLE-MIMAROPA kasama ang kaniyang Inang si Ginang Emilenda./Kuhang larawan ni Michael Escote, PIA-Palawan)

Dati-rati  panindang isda, gulay at kakanin ang  araw-araw  na hinahawakan at inaasikaso ng batang si Rowen Revillas ng barangay Tagburos, Puerto Princesa City. Dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya ay kinailangan niyang tumulong sa paghahanap buhay sa kaniyang mga magulang kahit na noo’y 12 taong gulang pa lamang siya.

Ngayon, iba na ang hawak-hawak ni Rowen at ito ay ang kaniyang mga module [dahil bawal pa ang face to face classes]. Nakabalik na kasi siya sa kaniyang pag-aaral simula nang  matulungan ng  Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa  sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program kontra child labor. Grade 7 na si Rowen sa isang paaralan sa lungsod.

Sa panayam ng PIA-Palawan kay  Rowen, aniya ay lubos siyang nagpapasalamat sa DOLE dahil kung hindi siya napiling benepisyaryo ng programa  ay malamang na hindi pa rin niya naipagpapatuloy ang kaniyang pag-aaral.

“Nagpapasalamat po ako sa Department of Labor and Employment (DOLE) kasi tinulungan nila ako,  si Mama binigyan nila ng pagkakitaan kaya nakapagpatuloy ako ng pag-aaral,” saad ng dating batang child laborer habang namumutawi ang mga ngiti sa kaniyang labi.

Pangarap niya na makatapos ng pagaaral at maging matagumpay  para matulungan niya rin ang pito (7) pa niyang mga kapatid. Samantala, sinabi naman ni Aling Emilenda, ina ni Rowen, na  malaki ang naitulong sa kanila ng mga kagamitang ibinigay ng DOLE para sa kaniyang  ‘mini laundry business’.

Aniya,  kung hindi sa tulong ng DOLE  ay may posibilidad na hindi makabalik sa pagaaral ang kaniyang anak lalo na’t hindi naman sapat ang kaniyang kinikita at ng kaniyang mister na isang mangingisda.

Sa ngayon, patuloy na nagsisikap si Rowen sa pag-aaral sa kabila ng hirap dulot ng Covid-19 pandemic.(MCE/PIA Mimaropa)







About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch