No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

NNC-4B hinikayat ang mga LGU’s, paigtingin kampanya laban sa malnutrisyon

NNC-4B hinikayat ang mga LGU’s, paigtingin kampanya laban sa malnutrisyon

Ang breastfeeding ay itinuturing na pundasyon ng First 1000 Days of Life Program dahil taglay ng gatas ng ina ang mga sangkap para sa wastong nutrisyon at mabuting kalusugan ni baby. (NNC-MIMAROPA)

Hinihikayat ng National Nutrition Council - Mimaropa ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na paigtingin pa ang kampanya laban sa malnutrisyon.

Kaugnay ito ng resulta ng Operation Timbang Plus (OTP) sa nakalipas na tatlong taon kung saan nakapagtala ang rehiyon ng 16.8% (2018), 15.3% (2019), at 14.7% (2020) malnutrition prevalence rates. Ang OPT ay taunang pagsukat ng taas at timbang ng mga batang 0-59 buwang gulang upang matukoy ang dami ng mga malnourished.

Ayon kay Ma. Eileen Blanco, Regional Nutrition Program Coordinator ng NNC Mimaropa, ang patuloy na pagbaba ng OPT results ay nagpapakita ng pagbuti ng kalagayang pang-nutrisyon sa rehiyon, subalit ito ay maliliit na pagbabago lamang.

Sinabi ni Blanco na ang paglutas ng problema ng malnutrisyon ay intersectoral o pagtutulungan ng iba’t ibang sektor at ahensya na dapat lalo pang palakasin ng mga lokal na pamahalaan. Isang halimbawa ay ang pagbili ng LGU sa mga ani ng mga magsasaka at mangingisda na ipinamahagi sa publiko. Natulungan na aniya ang lokal na sektor-agrikultura, tiyak pang masustansya at sariwa ang pagkain ng mga residente.

Dagdag ni RNPC Blanco, positibo rin ang resulta ng feeding program ng mga munisipyo, kung saan inirarasyon sa mga tahanan mismo ng mga batang malnourished ang masusustansyang pagkain o fortified foods. Mabuti ring maipagpatuloy ang pagtuturo ng kahalagahan ng nutrisyon gamit ang internet, gayundin ang personal na pagbisita ng mga barangay health worker sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Samantala, hinimok din ni Blanco ang mga lokal na opisyal na higit pang suportahan ang kampanya sa First 1000 Days of Life (mula pagbubuntis ng ina hanggang ikalawang taon ng bata), na sentro ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon. “Nararapat na ibigay ang optimum nutrition sa unang 1000 araw ng buhay, kasama na ang regular check-up ng nagdadalang-taong ina, exclusive breastfeeding sa unang anim na buwan, pagbibigay ng complementary foods kay baby, at iba pa,” ani Blanco.

Binigyang-diin ng opisyal na mareresolba ng Mimaropa ang mataas na kaso ng stunting (pagkabansot) sa rehiyon, at iba pang kaugnay na suliranin kung patuloy na magtutulungan ang lahat ng stakeholders at palalawakin pa ng mga LGU ang mga programa sa nutrisyon. “Higit na uunlad ang isang pamayanan kung malakas at malusog ang mga mamamayan,” paalala pa ni Blanco. (PIA/MIMAROPA)




About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch