Tuwing sumasapit ang buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Buwan ng Wikang Pambansa.
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay batay sa Pampanguluhang Proklamasyon Bilang 1041, s. 1997 na nilagdaan at ipinahayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Huyo 13, 1997 na nag-aatas na ang Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa at Nasyonalismo.
Sa nasabing Presidential Proclamation, kinikilala ang kahalagahan ng isang katutubong wika bilang mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, pagkakaisa at pambansang kaunlaran.
Ang pagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing 1-31 ng Agosto ay pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). At ngayong 2021, ang paksa o tema ng pagdiriwang ay “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”.
Ang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong 2021 ay nakasentro sa halaga ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bilang mabisang paraan ng dekolonisasyon ng kamalayan ng mga Pilipino, o pagiging ganap na malaya ng kaisipan sa impluwensya ng ibang bansa, lalo na ng mga dating kolonyal na mananakop.
Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa rin ng KWF sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuon sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taon partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging "Filipino-centric" na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdamin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at iba pang manipestasyong kultural.
Nararapat ding bigyang-diin nito ang Pilipinong Identidad at halagahan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan, ayon sa KWF.
Ito rin ay pakikiisa ng KWF sa UNESCO International Decade of Indigenous Languages (IDIL2022-2032) na nakaangkla sa Deklarasyon ng Los Pinos (Los Pinos Declaration) na nagtataguyod ng karapatan ng Mamamayang Katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanan gamit ang katutubong wika bilang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buhay ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho.
Mahigpit ding itinatagubilin ang paggamit ng katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, midya, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan.
Isinasaalang-alang din ang potensiyal ng teknolohiyang dihital sa pagtataguyod at preserbasyon ng mga nabanggit na wika.
Pakikiisa ng KWF sa Programang Pangwika ng UNESCO
Matagal nang nakasuporta ang KWF sa mga programang pangwika ng UNESCO at sa katunayan ay nakapagdaos na ito ng Pandaigdigang Kumperensiya sa mga Nanganganib na Wika (2018), Seminar-Workshop sa Digital Archiving ng mga Wika (2018), at Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika (2019).
Nakapagtatag na rin ng 25 Bantayog-Wika na naglalayong higit na mapahahalagahan ng bawat pámayanang kultural ang kanilang wika, maging ang pagpapayaman at pagkilála sa mga ito bílang instrumento hindi lamang ng rehiyonal na pagkakakilanlan kundi maging sa pagpapaunlad ng pambansang identidad sa wika. Nariyan din ang programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (2017).
Bukod pa rito, at bilang tugon sa proklamasyon ng UNESCO na International Year of Indigenous Languages (Pandaigdigang Taon ng mga Katutubong Wika) ang taong 2019, pinagtibay ng KWF ang Kapasyahan ng Kapuluan Blg 18-31 na naglalayon na ilaan ang Buwan ng Wika sa Agosto bilang lunsaran ng mga pagpupunyagi para sa katutubong wika sa bansa.
Pagbabantayog din ito sa kahalagahan ng mandato ng KWF na itaguyod ang pagpapalaganap ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bilang pinakamabisang midyum sa pagkakaroon ng kolektibong pag-uunawaan ng sambayanan.
Dahil sa banta ng pandemya na dulot ng COVID-19, ang KWF ay may mga inihandang gawain online, gaya ng mga webinar, na mag-uugnay pa rin sa mga guro, linguists, mananaliksik at iba pang organisasyon mula sa iba’t ibang rehiyon, na nangako ng bahagi sa pagkakaroon ng kultura ng pananaliksik na pinag-uugnay ng ating mga lokal na wika.
Sa pagdiriwang ngayong 2021 ng Buwan ng Wikang Pambansa, marami tayong kababayan ang umaasa na makikiisa ang lahat sa taunang selebrasyon.
Mangingibaw ang kanilang pagka-makabayan at pagiging Pilipino sa isip, sa gawa at salita. Hindi ang pagiging regionalist at ang pagkalasing sa Ingles. Ang Ingles ay ang ating pangalawang wika.
Ang ating Pambansang Wika ay nagsisilbing dagdag na lakas sa pakikipag-unawaan sa buong mundo dahil may mga katangian ang Filipino na wala sa Ingles.
Alinmang wika ay tulad ng isang puno na yumayabong. Lumalago sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga karagdagang salita bunga ng patuloy na pagbabago sa lipunan, kapaligiran at ng buhay. (PIA-NCR)